KALUSIN ANG SALOP!

Si Erap, Alisin ! Mga Trapo, Walisin !

PADAYON, 14 Oktuber 2000

Kaisa kami sa panawagang magbitiw o alisin sa Panguluhan si Joseph Ejercito "Erap " Estrada. Ang mga iskandalo, anomalya, kahihiyan at kapalpakan ng kanyang pamamahala sa loob ng dalawang taon ay umabot na sa sukdulan sa kanyang pagkakasangkot sa dambuhalang jueteng payola. Sinira ng lahat ng ito ang batayan ng pagtitiwala sa kanyang kakayahang bigyan ang bayan ng tapat at malinis na pamamahala.

Kahit na hindi pa tapos ang imbestigasyon sa expose ng punong jueteng lord at gobernador ng Ilocos Sur na si Chavit Singson, malinaw na may isa nang malaking anomalya na nagsasangkot sa Pangulo. Ayon sa testimonya sa Senado mismo ni Atong Ang , matalik na kaibigan ng presidente, lumitaw na mistulang naging pag-aari ni Ang ang bingo 2 ball na ginawang ligal na pamalit ng administrasyon sa jueteng. Ang kita ng gubyerno sa pasugalang ito ay malayang nailalagay ni Atong Ang sa kanyang pribadong bank account.

Nakakabahala ang expose ni Singson dahil matalik siyang kaibigan ng Presidente sa mahabang panahon. Nang buksan niya sa madla ang pinto sa daigdig ng jueteng underworld, may kapagdakang maaaninag na bakas na nagtuturo sa Malacanang tulad ng ledger at mga taong malapit sa presidente, gaya ni Gng. Ricaforte. Babalik lang sa Presidente at Unang Ginang ang kanilang bintang na di mapagkaka- tiwalaan ang pagkatao ni Singson dahil nga sa ito'y kabilang sa maliit na sirkulo ng Presidente at matalik niyang kaibigan sa mahabang panahon.

Inamin ng Pangulo kaninang umaga na siya'y nagkamali na gawing bangka ang gubyerno sa malaking sugal sa pamamagitan ng bingo-2 ball. Subalit lampas na sa ligalidad at moralidad ng sugal ang kadahilanan ng krisis sa pamamahala na yumayanig sa bansa sa kasalukuyan. Suson-suson ang anomalyang sumingaw sa ilalim ng administrasyong ito sa loob lamang ng dalawang taon: ang pamimigil ni Estrada sa imbestigasyon ng kanyang kaibigan na si Dante Tan ng Best World Gaming and Entertainment Corporation sa paratang na manipulasyon at insider trading sa stock exchange; ang pagnenegosyo ni Estrada sa real estate kahit presidente na siya, ang pagtatago ng malalaking pag-aari niya at ng kanyang pamilya sa kanyang deklarasyon ng asset at liabilities; ang textbook scandal sa Department of Education na kinasangkutan ng isa sa marami niyang asawa; ang pagpasa ng libong karton ng sardines at rolyo ng tela sa isa niyang kaibigan at kilalang ismagler na si Robert Uy; at ang lantarang pagpapabaya sa kaso ng gubyerno laban sa di pagbabayad ng buwis ng kanyang kroning si Lucio Tan.

Taliwas sa kanyang pangako na " walang kama-kamag-anak, walang kai-kaibigan", lalo lamang pinalaki ni Estrada ang kalakaran at kulturang trapo sa pamahalaan ng bansa. Ang malalaking pera na nasa kabangyaman ng gubyerno o maaakses sa pamamagitan ng gubyerno ay sinasalamangka para sa kapakinabangan ng mga kaanak at kaibigan ng Presidente. Makailang beses hinamak ni Estrada ang mga demokratikong prinsipyo ng transparency, accountability at katapatan sa tungkuling bayan. Lumilitaw na siya ang pinakamalaking trapo sa bansa, at hindi mawawalis ang mga trapo sa pamahalaan nang hindi magsisimula sa kanya.

Habang umiikot sa ilang pribilehiyadong kamay ang pagkalalaking perang iligal at nakaw sa anyo ng cut, sosyo at balato, milyun-milyong Pilipino ang naghihikahos at hirap na hirap pagdugtungin ang maliit nilang kita at lumalaking gastos. Walang takot na binabalewala ng mga makapangyarihan ang batas gayong sa mumunting sala, ang karaniwang tao ay madaling mahabla at maparusahan. Daan-daang milyong piso ang madaling napupunta sa iilang taong may koneksyon pero palaging sinasabi ng Presidente na kapos ang pondo ng gubyerno para sa mga serbisyo sosyal, sa murang pabahay, sa reporma sa lupa at tulong sa produksyon sa nayon.

Lumilitaw rin na magaang at makati ang kamay ni Estrada hindi lamang sa pera para sa kanyang kaanak at kaibigan kundi sa gatilyo ng baril. Wala siyang pasensya sa negosyasyon at matiyagang paghimok, at lalong wala siyang interes sa mga repormang panlipunan at pulitikal para harapin at lutasin ang rebelyon sa Mindanao at sa iba pang bahagi ng bansa. Gyera, gyerang madugo, magastos at maperwisyo ang inilunsad niya laban sa MILF at sa simulain nila ng pagpapasya-sa-sarili na nakabaon sa ilang daan taong kasaysayan. Operasyong militar at hungkag at pera-perang rebel returnee program naman ang kanyang katugunan sa armadong pwersa ng Kaliwa sa bansa. Sa halip na dinggin ang hinaing ng nagpoprotestang mamamayan noong araw ng SONA, Hulyo 24 ng taong ito, pinapisak niya sa mga pulis ang mga demonstrasyong bayan.

Sa panunungkulan ni Estrada, naghalo ang kronismo, ang pulitikang trapo at ang kababaan ng interes at respeto sa demokratikong paraan ng pamamahala. Kaalinsabay nito, naggumiit siya sa patakarang neo-liberal sa kabuhayan na pumapalpak sa pag-ahon ng ekonomya mula sa krisis at paglutas sa kahirapan ng nakararami. Puro pag-akit sa puhunan mula sa labas ng bansa ang kanyang ginawa. Kinaligtaan niya ang pagpapalago sa lokal na panggitna at maliliit na negosyo at pagbibigay proteksyon sa mahihirap, walang tiyak na trabaho at maliliit ang puhunan. Kung hindi sa protestang bayan, nailusot sana niya ang Concord na sagarang magbubukas sa ekonomya sa internasyunal na puhunan, sukdang maibenta ang patrimonya ng bansa.

Lahat ng ito ang nasa salalayan ng krisis ngayon sa pamamahala. Kung dati'y ang nauga ay ang kumpyansa ng bayan sa kakayahan ng Presidente na lutasin ang problema ng bayan, nauwi na ito ngayon sa mismong pagdududa o kawalan na ng tiwala sa kakanyahang moral ng Presidente. Bunsod ng krisis na ito, mabilis na napapadausdos pababa ang ekonomya. Lalong nag-aatubili ang internasyunal na mamumuhunan sampu ng ating mga negosyante sa bansa na maglabas ng pera at tumaya sa ating bansa. Sa ganitong kalagayan, ang lalong naghihirap at balisa ay ang nakararaming mahirap at wala sa buhay.

BAGONG ELEKSYON, TAWAGIN
PULITIKA NG BANSA, BAGUHIN

Sayang kung ang solusyon sa krisis na ito sa pamamahala ay hahantong lamang sa pagpapalit ng tao, lalo't ang papalit ay isa ring trapo at may dapat ring ipaliwanag na koneksyon sa mga jueteng lord. Ang dapat nating ipaglaban ay isang solusyon na pakikinabangan ng mamamayan at magsusulong sa demokrasya sa bansa. Ibig sabihin, dapat itong magbunga ng paghina ng pulitikang trapo sa bansa at ng makabuluhang pagbabago sa kultura at istruktura ng ating pulitika.

Makakatulong ang kilos tungong impeachment sa pakikibakang anti-trapo at demokratiko. Subalit mas may pagkakataon ang bayan na pumili ng iba na magtataguyod ng progresibong pagbabago sa pulitika at ekonomya kung mapepresyur ang Pangulo na magbitiw at ang Pangalawang Pangulo na magbigay daan sa panibagong eleksyong presidensyal. Maaari itong itaon sa darating na eleksyon sa Mayo 2001. Walisin natin ang mga trapo at bigyan natin ng mariing dagok ang pulitikang trapo sa halalang ito.

Kung lumilikha ng ligalig ang krisis ngayon sa pamamahala, nagbubukas din ito ng posibilidad para baguhin ang ating bulok at lumang pulitika. Huwag nating pakawalan ang pagkakataong ito na ngayon lang dumating sa loob ng mahabang panahon. Ikampanya natin ang mga reporma sa ating sistemang elektoral at mga pagbabago sa istruktura ng ating gubyerno na magpapalakas sa kapangyarihan ng nasa ibaba.

Maaring mag-alok si Estrada ng mga konsesyon at mga reporma huwag lang siyang matanggal sa pwesto. Tanggapin natin ang mga konsesyong ito pero huwag tayong maglubay sa pakikibaka para baguhin ang namamahala at ang kultura at istruktura ng ating pulitika. Pwede ring hambalusin tayo ng isang desperadong presidente ng deklarasyon ng state of emergency o katumbas nito. Kung magkagayon, lumaban tayo nang mas matindi at may ibayong giting.

Masungit ang panahon, maalon ang dagat, pusikit ang gabi ng ating pulitika. Minsan pa, itaas natin ang tanglaw ng demokrasya, katapatan sa bayan at kagitingan ng ating mga bayani sa ating paglalayag.