Krisis sa Pamamahala

Ricardo B. Reyes, 17 Nobyembre 2000

Bumibingit sa pagbagsak ang administrasyong Estrada sa mga araw na ito. Mula Oktubre nang pasabugin ni Gob. Luis Chavit Singson ang kanyang expose laban kay Estrada, sunud-sunod na malalaking sigwada ng protesta ang tumibag sa pundasyon ng hawak ni Estrada sa Malacanang.

Higanteng Sigwada ng Protesta

Unang nanawagan si Cardinal Sin at ang Presbyterial Council ng Arsobispado ng Maynila para magbitiw na si Estrada. Sinundan ito ng lahat ng mga Obispo sa nagkakaisang pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Tumugon ang malaking negosyo na nakatipon sa Makati Business Club, mga alyadong grupo nito at Philippine Chamber of Commerce and Industries. Nang lumao'y sumama na rin ang Bankers Association of the Philippines.

Kasunod ng mga pahayag ng malalaking negosyante, nagpakawala ng kidlat ang mga pandaigdigang institusyon sa pinansya: ang International Monetary Fund (IMF), World Bank at Asian Development Bank. Sinuspindi ng una ang mga utang sa Pilipinas at tulad ng dalawa pa, hiningi nila ang maagang solusyong pulitikal sa krisis na nagpapabagsak sa ekonomya ng Pilipinas.

Halos kapanabay nito ang muling paglitaw ni Cory Aquino sa eksena para manawagan ng pagbibitiw ni Estrada. Sumunod si Fidel Ramos, dating pangulo rin ng bansa.

Mariing dagok ang pagbibitiw ni Mar Roxas mula sa gabinete. Sinundan ito ng malaking alon ng pagbaligtad ng mga lider ng Kongreso mula kay Estrada at koalisyong LAMP sa pangunguna nina Franklin Drilon at Manuel Villar, ang Senate President at Speaker hanggang nitong Lunes. Dahil ditto, nakaipon ng higit sa sapat na bilang ng mga konggresista para makapasa sa Kamara ang mga artikulo ng impeachment kay Estrada at maisumite na ito sa Senado para sa paglilitis. Nagawa ito noong Lunes sa tulong ng maagap na diskarte ni Villar.

Maaga-aga pa, sa gitna ng pagka-shock ng buong bayan sa expose ni Singson, nagbitiw si Bise-Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa gabinete. Ilang araw pa, kasabay ng pag-agos ng protesta, pinulong niya ang ilang lider ng mga partidong oposisyunista para magbuo ng United Opposition.

Mabilis na umagos ang mga protesta sa kalsada sa pangunguna ng mga organisasyon, lider at personaheng progresibo at Kaliwa, taong Simbahan, lider sibiko at mga pulitikong anti-Estrada. Dumagsa ang pagrarali sa Makati at iba pang lugar sa Metro Manila. Humantong ito sa isang malaking pagtitipon ng may 75, 000 katao sa Edsa Shrine sa isang prayer rally na pinamunuan ni Cardinal Sin.

Nabuo ang isang malaking koalisyong anti-Estrada, ang Konggreso ng Mamamayang Pilipino II ( Kommpil 2 ). Kaanib dito ang mga organisasyon at koalisyong sektoral at pang-isyu, mga blokeng pampulitika mula sa malawak na hanay ng Kaliwa at progresibo, mga negosyante, taong Simbahan at mga lider NGO. Hiwalay pang grupo ang Erap Resign Movement na pinangungunahan ng dulong Kaliwa at mga pulitikong tulad nina Teofisto Guingona at Roilo Golez.

Nitong Nobyembre 14, ang parlamento ng lansangan ay minsan pang nagpakita ng lakas sa tatlong malalaking rali sa Ayala Avenue ( Sanlakas-negosyante), Liwasang Bonifacio ( Erap Resign Movement )at Welcome Rotunda ( KOMMPIL 2 ) na pawang humantong sa Mendiola. Sinabayan ito ng mga rali sa iba pang mayor na lunsod at kabisera sa buong kapuluan. Tinawag nila ang pagkilos na ito na National Day of Protest.

Kontra-Opensiba ni Erap

Sa gitna ng mga pangyayaring ito, yanig si Estrada at ang kanyang mga kapanalig. Matagal-tagal din silang nalito at nagkagulo. Nitong nakaraang linggo, nagpakita na ang kampo ni Estrada ng muling pagsasaayos ng kanilang hanay at isang hugis ng kontra-opensiba. Sinimulan ito ng pagdalaw ng Presidente sa mga komunidad ng mahihirap sa Metro Manila para mamigay ng lote at iba pang benepisyo. Tinira niya ang oposisyong pulitikal at kilusang protesta sa kalsada na pawing pwersa ng elite o mayayaman. Siya ang para sa mahihirap, aniya.

Sa tulong ni Mike Velarde ng El Shaddhai at Bro. Erano Manalo ng Iglesia Ni Kristo, nag-organisa ang Malacanang ng isang higanteng prayer rally sa Luneta. Pagdarasal para sa pagkakaisa lamang ang tanging hangad ng prayer rally ayon sa deklarasyon ng mga nag-organisa nito. Pero hindi maikaila na ito ay raling pro-Erap.

Umopensiba rin si Estrada sa Konggreso kung saan nakaamba ang mosyon sa impeachment laban sa kanya. Nang mailusot sa Kamara ng kanyang mga katunggali ang artikulo ng impeachment, nagmaniobra siya para patalsikin sina Drilon at Villar at ireorganisa kapwa ang Kamara at Senado. Ang iniluklok na bagong Speaker, si Fuentebella, ay pro-Erap. Ang bagong presidente ng Senado na si Aquilino Pimentel ay malapit din sa Presidente at di pa umaalis sa koalisyong LAMP bagamat siya'y kilalang progresibo, makabayan at taong may integridad. Nagmamalaki ngayon si Miriam Santiago, kapanalig ng Presidente sa Senado na siguradong mapapawalang sala si Estrada dahil may matibay itong kakamping walong senador. Panahon lang ang makapagsasabi kung tama nga siya.

Nakaumang ngayon ang isang kontra-opensiba ni Estrada na may dalawang plangka. Una, mag-iikot siya sa mga mararalitang komunidad sa buong bansa para mamigay o mangako ng mga pabuya, benepisyo o reporma para ipamukha na tunay nga siyang maka-mahirap at ang kanyang mga kalaban, maka-mayaman. Kasabay ng kampanyang propagandang " mahirap laban sa mayaman", sinusuyo rin niya ang mayayaman. Malaking pera ang umiikot para sa mga proyekto ng malalaking pulitiko at lider ng Konggreso at mga lokal na pamahalaan para tiyakin ang kanilang kapatapatan sa administrasyon at ilusot si Estrada sa posibilidad ng impeachment.

Ang Isyu at ang Hanayan ng Pwersa

Malayo na ang inabot ng krisis sa panguluhan mula nang unang magkahugis ito sa maagang bahagi ng taong ito. Noon, mga pagbatikos pa lamang ang maririnig mula sa marami. May nanawagan na ng Erap Resign pero ito'y nagmumula pa sa malaki-laking bahagi ng organisadong hanay ng mga progresibo at nasa Kaliwa at ilang pulitikong oposisyunista. Gugulong pa sana ito kung hindi natakpan ang mga isyu kay Erap ng gyera sa Mindanao. Kumikislap-kislap ito sa kampanya para sa kapayapaan at sa protestang bayan sa SONA. Ngayon, ang krisis sa panguluhan ay umabot na sa kalagayang malalaki at mayor na institusyon ng bansa ang humihingi ng kanyang pagbitiw, nabiyak nang malaki ang naghaharing koalisyon sa gubyerno at malawak ang protesta sa kalsada. Idagdag dito ang di-maikakailang kawalan o kababaan ng kumpanyansa ng mga internasyunal na institusyon sa pamumuhunan at pananalapi sa pamamahala ni Estrada. Ngayon, nakabingit sa Estrada sa kagyat na posibilidad ng pagpapatalsik mula sa Malacanang.

Nauna at mas dramatiko ang yanigan sa itaas kaysa sa ibaba ng saray ng ating lipunan. Pero malaking pagkakamali kung sasabihin na ang protesta ay sigalot ng malalaki at mayayaman lamang. Tunay ang "rebelyon" ng mga panggitnang saray na sumasaklaw sa konsiderableng bahagi ng uring manggawawa at malawak na propesyunal. Kitang-kita ang laki at impluwensya ng kanilang paglahok sa mga kalsada at sa mga bukas na porum sa telebisyon, radyo at pahayagan. Makabuluhan din ang pagkakapukaw ng mga estudyante, titser at administrador sa pangunahing mga unibersidad ng bayan at pagpasok sa protesta ng halos lahat ng mayor na sentro ng organisadong paggawa. Malaki ang demokratikong bahagi ng kilusang Resign, Oust, Impeach Erap, at malamang na lumaki pa ito sa susunod na mga araw at linggo.

Gayunman, nananatiling hati pa ang bayan sa isyung ito. Malamig pa sa protesta ang malawak na hanay ng mga maralita sa lunsod at mga magbubukid at ibang taga-nayon. Sa katunayan, may malalaking tipak sa hanay ng masa ang pro-Erap pa rin. Malaking suliranin ito para sa demokratikong kilusan at sa mga pwersang sosyalista at ibang Kaliwa na nagnanais bigyan ng mas malalim na demokratiko at sosyal na laman ang pakikibakang anti-Erap at magkamit ng mga tagumpay para sa mamamayan.

Sa paglutas ng suliraning ito, mahalagang tignan ang katangian ng isyung pinaglalabanan at ang hanayan ng mga pwersa batay sa kung anong interes at hiling ang kanilang pinagmumulan.

Ang isyung nagpaputok sa krisis, maging ang mga naunang isyung nagpahinog rito ay tungkol sa paggugubyerno: katiwalian tulad ng pagtanggap ni Estrada ng protection money mula sa mga jueteng lord, pagbulsa ng perang dapat mapunta sa gubyerno mula sa kita ng bingo-2 ball, at iligal na pagkaltas ng parte ng Ilocos Sur sa excise tax sa tabako para sa personal niyang gamit; kronismo tulad ng mga pabor kay Lucio Tan at Danding Cojuangco, at proteksyong ibinigay ni Estrada kay Dante Tan mula sa imbestigasyon sa insider trading sa stock exchange; maluhong pamumuhay at pagtataguyod sa maraming babae at pamilyang pawang maluluho rin ang pamumuhay; at lahatang-panig na incompetence o kawalang kakayahan sa pamumuno at magaspang at salaulang pamamahala. Hanggang sa ngayon, ang isyung ito ang tampok at nagbibigay-hugis sa hanayan ng mga pwersa at takbo ng labanan.

Ang ayaw na ayaw ng malaking negosyo kay Estrada ay ang kanyang kronismo at incompetence sa pamamahala. Ito rin ang matinding ikinababahala ng mga pandaigdigang institusyon sa pananalapi at puhunan tulad ng IMF, World Bank at ADB. Datirati, sa tulong ng mga tauhan ng globalistang kapital tulad nina Pardo at Buenaventura, natanggap ng mga pwersang ito na si Estrada ang tamang tao para sa panguluhan. Dahil sa popularidad at karisma ni Erap sa mahihirap, siya ang nababagay para iraos ang modelong neo-liberal sa krisis na tumama sa Asya bago mag-eleksyon noong 1998. Ngayon, umabot ang mga kapitalistang pwersang ito, kasama ang seksyon ng naghaharing uri na kinakatawan ni Fidel Ramos, sa kongklusyon na mas problema na kaysa solusyon si Estrada, na hindi nito kayang ilagay sa matino ang pamamalakad ng ekonomya, at kung gayon, na dapat buksan na ang daan para ito pababain sa pwesto. Ang kawalan nila ng kumpyansa kay Estrada ay nadadama sa mabilis na pagbulusok ng halaga ng piso sa pandaigdigang pamilihan.

Dito nakadiin ang pusisyon ni Bise-Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, ng Lakas-NUCD at ng iba pang tradisyunal na partidong oposisyunista. Bagamat nagbukas si Macapagal-Arroyo ng pinto sa mga kilusang sosyal para sa pagbabago ng pambansang adyenda, wala pa siyang nililinaw na tindig sa kinakailangang pagbabago sa pulitika at lipunan na kaisa sa mga demokratiko at radikal na pwersa. Ang nakikita pa ng malaking mayorya ng kilusang sosyal sa kanya at sa United Opposition na kanyang binuo kasama sina Lito Osmena at Renato de Villa at ang buong Lakas-NUCD ay ang kanilang pagnanais na " sila naman" ang makapalit sa kapangyarihan. Ito ang dahilan kung bakit ang bansag sa kanila ng di iilan ay " United Opportunists".

Kaisa sa adyenda ng malaking negosyo ang tulad ni Cory Aquino na tutol na tutol sa pagbabalik ng mga kroning tulad ni Danding Cojuangco at ng mga Marcos. Dagdag dito, nangangamba si Gng. Aquino sa mga balak at kilos ni Estrada na magbabago sa kaayusang post-Edsa tulad ng pakanang Cha-Cha.

Bagamat magkadikit sina Aquino at ang Simbahang Katoliko, laluna si Kardinal Sin, mas malawak naman ang ipinaglalaban ng Simbahan. Bukod sa mga nabanggit na, dinala ng Simbahan ang ilang isyung popular at demokratiko tulad ng kahirapang dulot ng todo at walang pamimiling liberalisasyon at deregulasyon, pagtataguyod ni Estrada sa Visiting Forces Agreement, at kababaan o kawalan ng accountability at moralidad ng administrasyong Estrada.

Malapit sa pusisyon ng Simbahang Katoliko ang tindig ng mga nasa gitnang saray ng lipunan na muling lumiligwak nang maramihan sa mga kalsada. Kabilang sa mga saray na ito ang mga independyenteng prupesyunal, mga titser at empleyado at iba pang manggagawang sahuran o swelduhan na may tiyak na trabaho at katamtamang kita. Kasama rin dito ang mga lider sibiko, lider ng mga organisasyong pamparokya, at mga lider sa barangay na aktibo sa pulitika. Nasusuklam sila sa kawalan ng moralidad, kapalpakan at katiwalian ng administrasyong Estrada.

Ang mga organisadong progresibong pwersa, laluna ang nasa iba't ibang pormasyong sosyalista at ibang Kaliwa, at kabilang ang mga progresibong party-list tulad ng Akbayan, Sanlakas, AKO at Abanse Pinay, ay aktibo sa kalsada, sa pamamahayag at pag-oorganisa laban sa rehimen ni Estrada hindi lamang dahil sa mga isyu at usaping nabanggit. Bukod sa usapin ng lisyang paggugubyerno ni Estrada, dinadala nila ang labanan sa usapin ng neo-liberal at reaksyunaryong adyenda ng administrasyong Estrada, ng buong gubyerno at sistemang panlipunan. Tuluy-tuloy nilang nilalantad na si Estrada ay hindi tunay na maka-mahirap at makamasa, at sa halip ay kasangkapan at kasabwat ng global at lokal na puhunan, mga may-ari ng malalaking lupa, at mga ispekulador, gangster at oportunistang nagkakamal ng milyun-milyon dulot ng koneksyon sa presidente.

Simula Nobyembre 14, kapansin-pansin ang pagpasok ng mga estudyante sa kilusang anti-Erap tulad ng mga estudyante ng Ateneo de Manila University, Unibersidad ng Pilipinas at Unibersidad ng Santo Tomas at iba pang pamantasan at kolehiyo. Gayundin ang paglahok ng organisadong paggawa tulad ng nakaipon sa LSM, BMP at KMU. Magandang sinyales ito sa demokratiko at radikal na direksyon ng kilusang protesta.

Dahil paggugubyerno ang isyung nagpaputok sa krisis, ito ang isyung gumuguhit at humuhugis sa hanayan at sa labanan. Ito rin ang dinadala o tanging dinadala ng karamihan sa mga kalahok sa protesta at mga institusyong maimpluwensya sa protesta. Kakailanganin pa ng mas malawak at malalim na partisipasyon ng mga batayang uri at sektor sa kilusang protesta at mahusay na pamumuno ng mga pwersang sosyalista at ibang Kaliwa para mapalitaw at maisabay ang mga radikal na usaping demokratiko at panlipunan sa labanang ito.

Gayunpaman, ang usapin ng paggugubyerno ay may taglay na mga oportunidad para mapalalim ang demokratikong laman at impak ng kilusang anti-Erap. Maaari itong makayugyog sa sistemang trapo sa pulitika at magbukas ng daan para sa makabuluhang pagbabago o reporma sa sistemang pampulitika ng bansa. Halimbawa nito ay ang pag-iinstitusyunalisa ng mga hakbanging anti-corruption o kontra-katiwalian, paglipat sa sistemang parlamentaryo batay sa representasyong proporsyunal, at pagtatayo ng sistemang pederal sa gubyerno ng bansa.

Nasabi na ang obserbasyon na malamig sa kilusang anti-Erap ang karamihan ng mga maralita sa lunsod at mga magbubukid. Marami sa kanila ay ayaw sa Resign Erap kahit hindi talaga pro-Erap. At marami rin sa kanila ang talagang pro-Erap.

Ang mga dahilan nito ay marami at nagkakaugnay-ugnay sa isip ng masang mahirap. Una, ay ang pagtinging laganap sa kanilang hanay na ang labanang nagaganap ay sa pagitan ng mga elite o mayayaman at makapangyarihan kung kayat hindi nila makuha kung bakit tataya sa ganitong laban. Ito ay napalalakas ng tampok na papel ng mga tradisyunal na pulitiko at malalaking kapitalista sa center stage o entablado ng protesta. Ikalawa, hindi nila makita ang ugnayan ng Erap Resign sa mga pagbabagong gusto nilang makamit. Ikatlo, marami sa kanila ay bumoto kay Estrada kaya may taya sila sa kanya. At ikapat, tumatalab pa ang karisma ni Estrada na nagmumula sa kanyang maka-mahirap na papel sa pinilakang tabing at sa kanyang makamahirap na pagpopostura. Mayroon siyang pangkulturang construct na nalikha para takpan ang tunay niyang papel na maka-kapitalista at higit na makamayaman.

Ang pagdududa ng masa sa mga trapo at ang "identification" kay Erap o sikolohiyang nakikita ng masa ang sarili nila sa katauhan ni Erap ay pinapaypayan ni Estrada sa kanyang kampanya ng pag-ikot sa mga komunidad maralita para mamigay ng mga benepisyo sa masa. Katulong niya sa paglilinang ng imaheng ito ay mga kasama at katulong niya sa gubyerno na galing sa kilusang progresibo at rebolusyonaryo. Ang mga ito ay nagpapalaganap rin ng ideya na ngayon na ang panahon para makakuha ng makabuluhang repormang panlipunan dahil bulnerable si Erap at galit siya sa mga elitistang nagpapabagsak sa kanya.

"Reporma" sa Halip na Resign ???

Ang mga taong ito na nasa gubyerno ay isa lamang sa mga grupong nananawagan ng "reporma" sa halip na resign, impeach o patalsikin. Ang iba rito ay mga progresibo na nasa kilusang sosyal, mga kabilang sa mga NGO, PO at mga koalisyong pang-isyu. Nitong huli, nagkokonsolida ang mga grupong ito sa paniniwalang ngayon ang panahon para makakuha ng makabuluhang reporma. Ikinakatwiran nila na reporma ang dapat pagtuunan dahil ang labanang nagaganap ay sigalot lamang o pangunahi'y bangayan lamang ng malalaki at nasa itaas. Nangangamba raw sila na kung aalisin si Estrada, ang papalit lamang ay si Gloria Macapagal-Arroyo na gaya rin naman ni Estrada na konserbatibo sa pulitika at trapo, o baka mas masahol pa, o mas mahusay sa pagpapatupad ng mga patakarang neo-liberal. Itinuturo nila ang pagiging malamig o tutol sa Erap Resign ng kalakhan ng mahihirap bilang patunay na ang kanilang katwiran ay nasa panig ng mahihirap.

Isa-isahin natin ang mga argumentong ito. Una, na ang labanan ay sa pagitan lamang ng mga elepante kayat tayong mga langgam ay malamang maapakan lamang? Paano maipapaliwanag ang mga "langggam " na libu-libo, katunaya'y sampu-sampung libong lumiligwak sa mga kalye mula sa kanilang mga bahay at upisina? Kabilang dito ang nasa mga panggitnang saray, na karamiha'y mga manggagawa rin sa serbisyo at gubyerno o mga titser. Nitong huli, nagsimulang lumabas na rin sa kalye ang mga estudyante ng mga unibersidad at kolehiyo at mga organisadong paggawa.

Ipagpalagay na huwag nang isama ang mga maralita ng lunsod at magbubukid na organisado ng Kaliwa at mga pulitiko dahil sila'y maliit pang bilang ng kanilang mga uri at sektor, ang mga mamamayang lumalahok sa protesta ay may sariling pag-unawa sa nangyayari, may sariling isyu, may sariling kahilingan at may bukod na hinahanap sa pamunuan ng gubyerno na naiiba sa mga trapo at sa malalaking kapitalista na kasama sa protesta. Kung nakakakonek sila sa Simbahang Katoliko, ito'y dahil pa sa itinataguyod din ng Simbahan ang ilang isyu at kahilingang demokratiko at popular. Sa halip na balewalain ang mga saray na ito at ibangga sila sa ibang bahagi ng batayang masa na parang nasa kampo sila ng mga elite ay pagtatwa sa demokratikong katangian nila at ng kanilang ipinaglalaban, sa tungkulin ng mga progresibo na engganyuhin ang kanilang nagsasariling pagkilos at magtulak ng kanilang pagkakaisa sa mas naghihirap na bahagi ng ating lipunan.

Ikalawa, na kung si Gloria Arroyo din lang ang papalit, huwag na lang, manatili na lang si Erap. Si Gloria nga ang tiyak na papalit kung normal na proseso ang masusunod. Pero kung magtutulung-tulong tayo at lalakas ang pwersa ng taumbayan, bakit hindi pwedeng humingi ng bagong eleksyon na lang. Kung hindi umabot sa bagong people power revolution ang pakikibakang ito at si Gloria ang pumalit dahil siya ang bise-presidente, gamitin natin ang lakas ng taumbayan na lumitaw para siya itulak sa mga pagbabagong kailangan, palaging bantayan at singilin tulad ni Erap kung papalpak. Anuman dito ang mangyari, lalapad kaysa dati ang ispasyong demokratiko.

Ikatlo, na mas kapakipakinabang sa karaniwang tao ang magtulak ng reporma sa ngayon kaysa pagbitiwin si Erap na mas malamang bumigay sa presyur ng masa dahil siya nga'y bulnerable at mahina sa ngayon. Sa anong balangkas? Na pwedeng ipagpalit ang malinis na paggugubyerno sa mga repormang sinasabi? Na pwede nang tanggapin ang higanteng katiwalian at kronismo at kapalpakan basta may repormang ibibigay? Para nating sinabing okey lang ang dinukot sa atin ng kaliwang kamay basta may ibibigay sa atin ng kanang kamay. Tila hindi maipaghihiwalay ang malinis na pamamahala at pagtataguyod ng makabuluhang reporma.

Hindi kaya namamalaki ng ating mga progresibong kaibigan ang potensyal ngayon ni Erap para sa mga pagbabago? Ang nakikita nila ay ang galit na Erap sa mga elite na bumabayo sa kanya para siya matangggal. Ang hindi nila makita ay ang desperadong Erap na nangangailangan ng suporta ng mga nasa itaas ng lipunan para di siya maimpeach o matanggal sa kapangyarihan. Tignan na lang ang Executive Order sa Coco Levy na ipinamamaraling malaking repormang naibigay niya. Malaki pa rin ang ibinigay ng gubyerno sa panig ng mga panginoong maylupa sa niyugan sa pamumuno ni Danding Cojuangco tulad ng malapad na maniobrahan para makontrol ang Coco Trust Fund at ng di-pag-oobliga ng public audit sa pondo nito.

At ikapat, na dahil nga ang timpla ng mas maraming masang mahirap ay hindi Erap Resign, hindi tama ang panawagang ito. Sa halip na makipagdayalogo sa kanila at dalhin ang mga kaalamang importante sa pagharap sa krisis na ito, ang ating mga kaibigang progresibo ay tila bumubuntot sa kamulatan ng masa at nangungunsinti sa mga mali at haka-hakang palagay ng marami. Tila nakakalimutan nila ang responsibilidad na mamuno o sa pinakamenos, ang responsibilidad na maghatid ng impormasyon at kaalamang tutulong sa masa para makapagdesisyon nang wasto at nararapat.

Regime Transition o Tungong EDSA II ?

Ang krisis ngayon sa pulitika ay krisis sa panguluhan, di pa ng buong gubyerno o estado. Ito ang nagtatakda ng mga potensyal at limitasyon para sa pagsulong ng demokrasya at kapangyarihang bayan sa bansa. Sakaling ang proseso ng impeachment at resulta nito sa Senado ay di maging katanggap-tanggap sa bayan, ang radikalisasyon ng mamamayan ay maaaring magtuluy-tuloy at mauwi ito sa isang krisis ng gubyerno. Kung magkakaganito, mas lalaki ang potensyal para sa demokratikong pagbabago sa bansa.

Ang krisis sa panguluhan ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na palawakin at palalimin ang kilusang anti-trapo at lumikha ng kondisyon para sa pagrereporma ng kultura at sistema ng pulitika sa bansa. Ang laban para sa Erap Resign ay dapat nating sabayan ng panawagan para wakasan ang pulitikang trapo at itaguyod ang bagong pulitika. Sa gitna ng labang ito, batikusin natin ang iba't ibang haligi at manipestasyon ng pulitikang trapo, ibandila at palawakin ang mga bagong partidong pampulitika tulad ng Akbayan, at itaguyod ang mga bagong lider na maipagwawagi sa darating na halalan.

Para makabig ang malawak na masa, lalo ang mga batayang uri at sektor, ang mga pwersang demokratiko ay dapat magbuo ng adyenda ng mamamayan na magiging giya sa tuluy-tuloy na laban ng masa para sa pagbabago sinuman ang nakaupo o maupo. Kung hindi aabot sa isang bagong eleksyon ang labang ito, ang bise-presidenteng papalit ay dapat hamunin at itulak sa direksyon ng adyendang ito, at pagkatapos, ay bantayan at singilin sakaling siya'y magkulang o pumalpak o tumalikod dito.

Sakaling di matanggap ng bayan ang proseso at resulta ng impeachment sa Senado at bumwelo ang radikalisasyon, dapat humingi ang bayan ng isang bagong eleksyong presidensyal at isang bagong kumbensyong konstitusyunal na magsasagawa ng mga pagbabago sa sistemang pulitikal tulad ng paglipat sa sistemang parlamentaryo at pederal. Dapat ding ituluy-tuloy at palalimin ang kilusan sa lupa at sa paglawak ng karapatan ng paggawa.

Matapos ang mahabang panahon, mula 1983-86, may nabuksang bagong pagkakataon para sa mga demokratiko at rebolusyonaryong pwersa na magtulak ng pagbabago sa adyenda ng bansa, magpalapad pa ng ispasyong demokratiko at magkamit ng mga demokratikong reporma. Tanggapin natin ang hamong ito at magpakahusay at magpakatatag tayo sa pakikibaka!! * * * * * * * * *