Nakalulungkot na ang rebolusyonaryong kilusang pinaglingkuran at pinag-alayan ng buhay ni Rolly sa kanyang kabataan ang siyang kikitil sa kanya.
Anuman ang sabihin ng tagapagsalita ng CPP-NPA-NDF, buhay akong saksi sa katapatan ng kanyang mga prinsipyo at adhikain sa buhay, hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para sa masang sinikap niyang paglingkuran.
Panatag ang aking loob na si Rolly ay nakalikha nang hindi matatawarang papel sa kasaysyang, sa rebolusyonaryong kilusan at sa ating lipunan.
Nananawagan ako sa lahat ng mga kasamang nakilala at nakasama niyang nakibaka sa hirap at ginhawa sa loob at labas ng kilusan, sa lahat ng kanyang mga kaanak at kaibigan at maging sa mga tao sa gobyerno at military na noong una ay marahil kalaban at kaaway niyang itinuring ngaying naging mga kaibigan. Maaari tayong magpatibay na tapat siyang makisama, matalas mag-isip, masinop, mahusay at mabilis magtrabaho. Kailanman hindi siya nagging traidor o tumalikod sa kanyang magagandang prinsipyo at adhikain sa buhay. Si Rolly ay isang simpleng taong tunay at tapat na naglingkod sa bayan.
Pawing mga paninirang puri ang mga bintang sa kanya. Bunga marahil ang mga ito ng inggit at takot sa katumpakan ng mga pagkilos ni Rolly batay sa mga kongkretong kalagayan sa lipunan. Pinatutunayan ng kasaysayan ang kanyang kawastuhang sinaksihan ng mga taong nakikiisa sa kanya.
Ikinararangal ko at nagpapasalamat ako sa Diyos na naging bahagi si Rolly ng aking buhay. Isa siyang malaking kawalan para sa aming pamilya at sa sambayanang nagnanais ng tunay na kapayapaan, katarungan at kasaganahan.
Joy A. J. Kintanar