Ako po ay si Minda Tejeno, 39 anyos, may isang anak na 13 anyos. Kamamatay lamang ng aking asawang si Teteng Tejeno noong Pebrero 4, 2003, kaya ako po ay balo na. Sa ngayon, ako po at ang anak ko ay nakatira sa Sitio Culisan, Brgy San Juan, San Narciso. Quezon. Dahil sa panganib na kinakaharap naming ngayon ay hindi na ho kami makaakyat sa aming lupa sa Sitio Libas, San Vicente, San Narciso, Quezon.
Ang aking pamilya ay magsasakang walang lupa. Dati po kaming mga tenants sa lupaing inaangkin ng isang makapangyarihang pamilya sa San Narciso at nagbibigay ng 60% kada anihan ng kopra. Amin po ang gastos kaya halos wala ng natitira sa amin. Ganito po ang sitwasyon namin mula pa noong maging produktibo na ang lupa mula noong dekada 80. Noong 1998, matapos kaming magkampanya para sa pamamahagi ng lupa, nadiskubre namin na hindi naman pala titulado ang lupa. Dahil dito, itinigil namin ang pagbibigay ng share sa umaangking may-ari habang itinutuloy namin ang pakikipaglaban para maisalin sa amin ng gobyerno ang lupa. Ito po ang tinitingnan kong ugat ng pagpatay sa aking asawang si Reymundo “Teteng” Tejeno.
Si Teteng po ay isang karaniwang magsasaka na nagsisikap para buhayin ang aming pamilya. Dahil sa aming kahirapan, ang pamilya namin ay naging bahagi ng mga tagasuporta ng NPA sa Bondoc Peninsula sa loob ng mahabang panahon.
Si Teteng ay isang lider magbubukid at pangulo ng Munting Sambayanang Kristiyano (MSK). Kasapi siya ng Samahan ng Malayang Magsasaka sa Sitio Libas (SMMSL), isang organisasyon na nakikibaka sa ligal at naghahangad na maipamahagi ang lupang sinasaka ng mga kasapi. Ang aming pwesto ay higit-kumulang sa dalawang ektarya. Noong patayin si Teteng pinoproseso na sana ng gobyerno ang lupa para ipamahagi sa mga kasapi ng SMMSL.
Bago naganap ang pagpaslang kay Teteng, ang kanilang kasamahan na si Edwin Vender ay walang awa ring pinaslang ng mga taong kilalang malapit sa may-ari ng lupa. Isa sa pumaslang ay kilalang poste ng NPA, habang ang tatlong kasamahan nito ay mga kilalang kriminal at pusakal na mamamatay tao.
Noong Abril 2000, kami ay nilusob sa aming bahay ng anim na armadong kalalakihan na mga kaibigan ng isa pang panginoong maylupa sa aming bayan. Sila ay nagalit kay Teteng dahil sa pagsuporta nito sa mga magsasaka para maipamahagi ang nasabing lupa. Pinagbabaril at pinagtataga si Teteng at nagtamo siya ng seryosong mga sugat na muntik na niyang ikamatay. Lumaban si Teteng upang ipagtanggol ang kanyang sarili at kami ng aking anak. Ako rin po ay muntik ng tamaan ng bala kung hindi lamang naitulak ng isang kasamang magsasaka para maiiwas sa bala. Napatay ni Teteng ang isa sa mga lumusob sa aming bahay subalit nag 50-50 naman siya sa kanyang mga tinamong sugat. Kahit sa hospital, sinundan pa si Teteng ng dalawa sa mga lumusob para siya ay tuluyang patayin. Napigil lamang ito dahil may gwardya ang hospital. Dahil sa nagtanggol lamang ang asawa ko sa kanyang sarili ang kasong isinampa ng namatayan ay itiniwalag ng korte. Sa mata ng korte ng pamahalaan wala pong kasalanan ang asawa ko.
Subalit, dahil hindi makuha ang kanilang gusto, ang balo ng namatay ay nagsumbong sa mga NPA. Dahil sa sumbong, si Teteng ay inaresto ng mga NPA noong unang bahagi ng taong 2001. Itinali siya ng alambre ng mga NPA na ikinasugat ng kanyang kamay. Inutusan ng mga NPA si Teteng na magbayad ng P50,000.00 sa nabiyuda bilang kabayaran daw sa pinsalang kanyang idinulot. Tumangging magbayad si Teteng sa katwirang ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili. Sinabi niyang gumastos din siya ng malaki sa pagpapaggamot sa mga sugat na kanyang tinamo na muntik niyang ikinamatay. Pinalaya naman siya ng mga NPA matapos ang nasabing pag-aresto at pag-uusap. Subalit simula noon ay hiningian na ng mga NPA ng rebolusyonaryong buwis si Teteng. Samantala. ang balo ng napatay ay sumasama-sama na sa mga operasyon ng NPA sa paghahangad na mapaghigantihan si Teteng.
Sa huling bahagi ng 2002 ay tumanggi na si Teteng na magbigay ng buwis sa mga NPA. Ito marahil ang nagtulak para ipatupad ng NPA ang kanilang hatol na kamatayan sa asawa ko. Para bigyang katwiran ang pagpataw ng parusang kamatayan, pinagbintangan si Teteng na isang ahente ng mga military at kasapi daw ng barangay intelligence network. Pinagbintangan din siyang may utang na dugo sa mamamayan.
Pebrero 4, 2003, bandang 8:00 ng gabi, katatapos lang naming kumain ng ipatawag si Teteng ng mga NPA sa may likod ng aming bahay. Pinipigilan ko sana siyang pumunta dahil nga sa natatakot ako sa posibleng mangyari, pero sinabi ni Teteng na wala naman daw problema dahil sa wala naman siyang kasalanan, kaya wala akong dapat ipag-alala. Mga dalawang minuto lamang ang nakalipas, nakarinig ako ng sunod-sunod na putok mula sa likod ng aming bahay. Halos nahulaan ko na ang nangyari at wala na akong magawa ng makita kung nakatumba na ang aking asawa ng puntahan namin. Sa awtopsiya, lumilitaw na siya ay may pitong tama ng bala ng armalite at isang malalim na saksak sa may leeg na tumagos sa may dibdib. Nag-iwan ang mga NPA ng sulat na nagsasabing si Teteng, ang aking asawa, ay pinarusahan ng kamatayan dahil sa kanyang mga kontra-rebolusyonaryong kasalanan.
Nagsisisnungaling po ako kung sasabihin kung hindi kami nasaktan at naghinanakit, malalim na hinanakit sa NPA, sa kanilang ginawa sa aking asawa, na alam kong walang kasalanan. Mayroon pang naka-ambang parusahan sa aming lugar ang mga NPA. Kagaya ni Teteng, malamang na hindi man lamang mabigyan ng pagkakataong maipaliwanag ng mga paparusahang ito ang kanilang panig. Ang mga paparusahang ito ay nilitis ng Hukumang Bayan ng hindi nila alam. Ang nakakalungkot dito, ang mga nakatakdang parusahan ay mga karaniwang magsasakang walang inaabuso, at nagsisikap lamang para mamuhay ng tahimik at maging maunlad.
Ito po ang dahilan kung kayat ako ay nagnais na maipahayag ang nangyari kay Teteng. Ayaw ko na sanang magsalita tungkol sa bagay na ito dahil baka lalo lamang manganib ang aming buhay. Pero alam ko po na ang aking pananahimik ay magiging kasingkahulugan ng pagkunsinti ko sa mga gawang dapat ituwid ng NPA, kung sila ay tunay na makamasa, makamahirap at makatarungan.
Nais ko na rin pong humingi ng tulong sa pagtitipong ito para matigil ang ganitong mga nangyayari, na ang nagiging biktima lalo na ng Hukumang Bayan ng NPA ay ang mga kawawang sibilyan na walang malapitan sa mga lugar na malayo sa kabihasnan kagaya ng Bondoc Peninsula. Sana po ay makaharap naming ang pamunuan ng NPA para maihayag ang panig ni Teteng, kahit huli na ang lahat. Maraming abusadong kriminal at kaaway ng uri sa aming lugar ang dapat na parusahan ng NPA. Bakit si Teteng?
Minda Tejeno
Abril 03, 2003