Mga Impormasyon Tungkol sa Sistemang Absentee Voting para sa mga Pilipino sa Abroad

ANO ANG ABSENTEE VOTING?

Ito ay isang mekanismo sa eleksyon/ halalan na nagpapahintulot sa mga botante na makaboto kahit wala sila sa lugar na pagbobotohan nila.

Ang mga opisyal ng gobyerno katulad ng military at COMELEC at iba pang empleyado ng gobyerno na mamamahala ng halalan sa LOOB NG PILIPINAS, ay pinapayagan makaboto kahit was sila sa lugar ng tirahan nila. Ito ang lokal na absentee voting

ANO ANG LIGAL NA BASEHAN NG ABSENTEE VOTING PARA SA MGA PILIPINO SA ABROAD?

Nakasaad sa Section V ng 1987 Saligang Batas ng Pilipinas:

Section 1: Ang karapatan sa pagboto ay maaaring I-exercise ng lahat ng mamamayan Pilipino (Filipino citizens), na kwalipikado sang-ayon sa batas, may edad 18 pataas at dapat ay nakatira sa Pilipinas ng hindi bababa sa isang taon at sa lugar na pagbobotohan niya ng hindi bababa sa anim na buwan bago maghalalan. Walang karunungan, o iba pang rekisito ang puwedeng ihadlang sa pag-exercise ng karapatang ito.

At bilang pagtutukoy na kasama ang mga Pinoy na nasa abroad, may section 2 ang artikulong V:

Section 2: Ang Kongreso ang maggagawa ng isang sistema para masiguro ang pagiging sekreto at sanktidad (secrecy and sanctity) ng balota at para din sa sistema sa absentee voting para sa mga kwalipikadong Pinoy sa abroad.

Kaya nasa Konggreso ngayon ang bola sa pagpapasa ng isang batas para matupad ang Seksyon 2 sa absentee voting. AT ito ang ipinaglalaban nating lahat.

ANO ANG KWALIPIKASYON/ REKISITO SA PAGBOTO?

Muli, sang-ayon sa ating Saligang Batas: May tatlong rekisito/ kwalipikasyon para makaboto:

  1. Dapat Filipino citizen (kung nasa abroad, ang pasaporte ay isang dokumento na puedeng magpatunay ng pagiging Pinoy mo)

  2. Dapat at least 18 ang edad pataas.

  3. Residensya. Dapat nakatira sa Pilipinas ng hindi bababa sa isang taon (at least 1 year) at sa lugar na pagbobotohan (voting place) ng hindi bababa sa 6 na buwan (at least 6 months) bago maghalalan

MAY DISKWALIPIKASYON BA?

OO. Sang-ayon sa Batas, hindi papayagang makaboto ang:

  1. Mga Pinoy na may pinal na sentensya ng ating Korte sa Pilipinas ng pagkakulong ng mahigit isang taon kasama na iyong mga napatunayang hindi matapat (disloyal)

  2. Mga Pinoy na deklarado ng mga kwalipikadong awtoridad na nawawala sa sarili o walang kapasidad magpasya sa sarili (insane or incompetent persons as declared by competent authorities)

ANU-ANO BA ANG USAPIN SA SISTEMA ABSENTEE VOTING? (Ano ba ang pinagdedebatihan sa Kongreso at kay tagal-tagal nilang magpasa ng Batas para sa Sistema ng Absentee voting?)

SINO ANG PUEDENG MAKABOTO?

Lahat ng kwalipikado sang-ayon sa Saligang Batas. PERO sa usapin ng LAHAT ng mga Pinoy sa abroad, hindi nila matutupad ang rekisito sa residensya kasi nasa abroad nga. Kaya nga naglagay ng Section 2 sa Article V bilang pagsasa-alang ­alang ng ganitong kalagayan.

Ibig sabihin, MINUS the residency requirement, puedeng makaboto ang LAHAT ng Pinoy sa abroad (migranteng manggagawa (dokumentado o di dokumentado ­land-based o sea-based, immigrants/ permanent residents, estudyante at lahat ng hindi basta basta makakauwi sa Pilipinas sa panahon ng halalan), BASTA walang diskwalipikasyon na gaya ng nabanggit sa itaas.

E bakit may debate ditto? KASI may mga mambabatas na AYAW isama ang mga permanent residents/ green card holders/ immigrants kasi daw wala naman daw na silang intensyon o layunin na bumalik sa Pilipinas.

SABI NATIN, MALI! Dapat basta Pinoy, ke, matagal na hindi nakakauwi sa Pilipinas o mas madalas, ang usapin dito e kung Pinoy, dapat may karapatang bumoto.

Pero para talagang makumbinse natin ang mga mambabatas, nagpanukala tayo na sige, puedeng humingi sa mga immigrants ng isang pahayag na sila ang may intensyon pang bumalik sa Pilipinas. Sa Senado, may karugtong pa ang pahayag na ito na dapat din ay may intensyon ang mga immigrant Pinoys na panatilihin ang kanilang Filipino citizenship.

Dagdag dito, may pagkaka-isa na ang IBIG usapin ng residensya o tirahan para sa mga Pinoy sa abroad ay iyong permanenteng tirahan nila ditto sa Pilipinas (usually iyong lugar ng kapanganakan o basta doon sa original na tirahan na kung saan ay may makakakilala pa sa kanila, kamg-anak man o kaibigan)

Sa kasalukuyang estado ng panukalang batas sa dalawang kamara ng Kongreso ay kasama naman ang LAHAT ng Pinoy sa abroad. Pero dapat magbantay kasi baka sa bandang huli, hihirit na naman sila at hindi na naman nila papayagan ang mga immigrants.

ANG isang rekisito na kailangang ipakita ay ang inyong Pasaporte na ipinagkaloob ng Pamahalaan ng Pilipinas.

ANONG HALALAN PUEDENG LUMAHOK ANG PINOY SA ABROAD?

Puedeng lumahok ang mga Pinoy sa abroad sa mga pambansang eleksyon/ halalan para sa President, Bise Presidente, mga Senador, kinatawan ng Party-list, ang sa mga plebisito o reperendum ng mga usaping pambansa.

Nilimita ang sakop ng halalan para sa absentee voting kasi: Kapag nasa abroad ka, ang sumasakop sa iyo ay iyong mga panukala o polisiya na nasa antas pambansa at hindi lokal; mas mahirap din makakuha ng impormasyon tungkol sa mga local na halalan at saka, magiging isang bangungot sa COMELEC na pamahalaan ang absentee voting elections kung hanggang lokal ay kasama.

PAANO ANG MAGPAREHISTRO BILANG KWALIPIKADONG BOTANTE?

Tayo ang may Batas para sa tuloy-tuloy na rehistrasyon (system of continuing registration) kaya hindi problema ang pagrerehistro kung regula na nakakauwi sa Pilipinas dahil kahit ano’ng araw eh puedeng pumunta sa tanggapan ng COMELEC sa inyong mga lugar o tirahan at magparehistro.

Para doon sa hindi talaga makauwi, puedeng payagan ng COMELEC na magrehistro sila by mail, hindi na personal na pupunta o uuwi. Pero may mga rekisito ito syempre para masiguro na ang nagpadala ng aplikasyon sa pagrerehistro ay siya talaga at hindi kung sino mang nagpapanggap.

PAANO NAMAN ANG REHISTRASYON PARA SA ABSENTEE VOTING?

Para sa sistema ng absentee voting, bukod sa pagrerehistro bilang botante, kailangan din may pagrerehistro bilang isang Absentee voter. May proseso din ito pero hindi naman dapat mahirap kaysa sa proseso ng pagrerehistro bilang botante. Kailangan kasi malaman ng COMELEC kung ialn ba ang may intensyon na mag-absentee voting para alam nila kung ilang balota ang ipapadala nila sa abroad.

Magkakaroon din ng hiwalay na listahan ang COMELEC ng mga absentee voters para din maiwasan kung sakali man ang pagboto ng doble. Kasi kapag nag-apply ka bialng absentee voter tapos bigla umuwi ka bago mag eleksyon at inisip mo ditto ka na boboto sa Pilipinas, hindi ka papayagang makaboto kasi ang rehistro mo eh nasa absentee voters registry.

PAANO ANG AKTWAL NA BOTOHAN?

Ang kasalukuyang panukala ay by mail/ postal system. Ibig sabihin, ipapadala ang balota ng COMELEC sa botante, isusulat ng Botante ang kandidato niya at ipapadala pabalik sa COMELEC. Sa transmittal, puedeng hingan ng tulong ang mga embahada natin para maging transit point sa pagpapadala ng COMELEC at sa pagbabalik ng balota sa COMELEC. Ibig sabihin, bulto na magpapadala ang COMELEC sa embahada at ang embahada ang pagpapadala sa botante; sa pagbabalik ng balota, puedeng ipadala ng Botante diretso sa COMELEC o idaan muli sa embahada na siya namangg magpapadala sa COMELEC.

Bagama’t by post ang kalakhang tinitingnan, mayroon ding mga posibilidad na baka puede rin ang pagboto ng PERSONAL sa ilan sa ating mga embahada. Mayroon tayong 80 embahada at konsulado (mayroong malaki, pero mayroon ding maliit lang espasyo o nag rerenta ng lugar). Sa kabilang banda, ang mga Pinoy sa abroad ay nakakalat sa mahigit 181 bansa at destinasyon sa iba’t ibang panig ng mundo.

O baka gawing kumbinasyon ­by post at by personal voting.

Masusing pinag-aaralan pa ito. Mahalaga ang inyong posisyon at kuro-kuro dito.

PAANO ANG BILANGAN?

Mga options na pinag-aaralan:

Sa COMELEC sa Maynila bibilangin ang lahat ng mga balota, kasabay ng pagbilang ng mga lokal balota sa parehong araw pagkatapos ng eleksyon sa Pilipinas. Ibig sabihin, mauuna ang pagboto ng Pinoy sa abroad. Itatago muna ang balota sa COMELEC (pero may mga safeguard mechanisms) hanggang sa araw ng halalan sa Pilipinas.

Pinag-aaralan din ang posibilidad na sa ilang embahada, na ay magkaroon din ng pilot testing para sa COUNTING AT CANVASSING ng balota.

SINO ANG PANGUNAHING MAMAMAHALA NG ABSENTEE VOTING/

Syempre, COMELEC ito. Ano ang papel ng ibang ahensya ng pamahalaan natin katulad ng embahada at iba pa? Katulong sila ng COMELEC sa partikular sa pagbibigay ng impormasyon, sa pagsuporta sa mga gawain ng COMELEC, at iba pang gawain na maaaring idelegado ng COMELEC.

PAANO ANG KAMPANYA AT IMPORMASYON TUNGKOL SA ABSENTEE VOTING?

Walang personal campaigning para sa mga kandidato. Pero magkakaroon ng malawak ng pamamahagi ng impormasyon tungkol sa halalan. Dito maaaring makatulong ang mga iba’t ibang grupo at samahan.

Pero syempre, alam naman natin ang kasabihan, kung gusto ay may pamamaraan, kung aayaw ay maraming dahilan. Kaya maghanda kayo kung bigla binibisita kayo ng inyong opisyales ng pamahalaan.

PANGHULI AT MUKHANG PINAKAMAHALAGANG USAPIN SA MAMBABATAS: PAANO ANG MEKANISMO NG PROTEKSYON LABAN SA DAYAAN

Ang madalas na sabihin tungkol sa absentee voting: KUNG sa Pilipinas nga sobra sobra ang dayaan eh nandito na tayong lahat, siguradong mas matindi ang dayaan kung nasa abroad. Kapag sinundan natin ang linyang ito, walang absentee voting law na maaaring ipasa ang Kongreso!

Pero, mga opening lines lang naman nila daw iyon bilang pagpapaalala na dapat talagang seryosohin ang paglalagay ng mekanismo para mabawasan o malimitahan ang dayaan at panloloko sa absentee voting system, mapreserba ang secrecy, integrity and sanctity of the electoral exercise and the ballot.

ANO ang mga posibleng mekanismo/ sistema para pangalagaan ang balota?

  1. Pagbibigay pahintulot na magtalaga (to allow to designate) ng mga watchers ng mga political parties para bantayan ang absentee voting process simula sa simula hanggang sa pagbibilangan;

  2. Sa aplikasyon para sa rehistro kung hindi personal, magkaroon ng panunumpa sa dulo ng application form ang aplikante na ang mga impormasyong ipinagkaloob niya ay tumpak sang ayon sa pagkaalam niya. Na kung mapapatunayang nagbigay siya ng maling impormasyon ay may nakalaang parusa sa kanya. Tapos pirmado niya ang deklarasyong ito.

  3. Sa pag-aapply pa rin sa rehistrasyon at para na rin sa absentee voting -- maaaring may testigo na kapwa Pilipino para magpatotoo na ang taong nag rerehistro ay siya mismo. Ang isa pang paraan ay legal/formal authentication mula sa embahada kung puedeng pumunta ng personal ang tao o kung hindi ay puede sa notaryo publiko sa bansa na iyon, pero mahal ito ay hindi ito popular na mungkahi sa bahagi ng mga NGOs, kasi parang pahirap din sa mga absentee voters.

  4. Sa absentee ballot na ipapadala ng COMELEC at ibabalik din, puedeng may mga security markings na gawin para masigurado na ang tumanggap ay ang botante at bumoto ay ang botante.

  5. Kung ang bilangan ay sa Maynila sa araw ng eleksyon sa Pilipinas, pagkatapos magsara ng mga presinto ng botohan, dapat makarating ang balota ng absentee voter sa tanggapan ng COMELEC sa Maynila tatlong araw (3 days) bago ang halalan sa Pilipinas.

  6. Magbuo ng mga citizens’ arm ala-NAMFREL para bantayan ang halalan.

  7. Hikayatin ang mga grupong internasyonal na magpadala ng election observers; o mag-organisa ng election monitoring teams.

SA PANGKALAHATAN, ang karapatang bumoto ay isang batayang karapatan ng LAHAT ng mamamayang Pilipino nang walang pagtatangi base sa estado sa buhay, trabaho, kasarian, relihiyon at lugar na kinaroroon. Ang pag-aabroad, na sa kadalasan naman ay isang pwersahang option sa maraming kababayan natin, ay hindi dapat maging dahilan ng pagkawala ng karapatang ito.

SUBALIT atin ding tatandaan, hindi nakalagay sa isang pilak na plato ang ating mga karapatang pantao. Ang mga ITO ay ating ipinaglalaban.

Inihanda ng Kakammpi.
Pebrero 10, 2002

See also: Materials on Overseas Voting




HOME
New in this Site   Contents   About PESC-KSP
  Action Alerts   Announcements and Statements   Events Calendar
  Resources   Philippines International Review   New Phil. Materials  
Partners and Links   Solidarity Conferences  
Overseas Filipinos  BangsaMoro POs & NGOs  

Send me more information



This Site The Web
Get a free search engine
for your web site

Make the PESC-KSP homepage your Startpage.