PADAYON - Programa at Estratehiya

Konggreso ng Pagtatatag, Setyembre 4-5, 1999

Nagtitipon tayo sa konggresong ito para muling pagtibayin at konsolidahin ang Padayon at ang mga tagumpay at aral nito sa nakaraang mahigit dalawang taon. Ang mga tagumpay na ito ay ating ambag sa patuloy na pagsusulong ng demokrasya, soberanyang bayan at paglaya ng tao. Maliit pa ang ambag na ito na ating palalakihin sa darating na mga buwan at taon sa pamamagitan ng tapat at masikhay na gawa at sakripisyo.

Itinayo ang Padayon ng pinagsanib na lakas ng mga aktibista ng kilusang pambansa-demokratiko sa mga dekadang sisenta, sitenta at otsenta, at mga bagong litaw na pwersa mula sa mga bagong kilusang sosyal, unyon at proyekto sa pagpapaunlad sa dekadang ito. Pinagsasanib natin ngayon ang sigla, pagkamapangarapin, at kaalamang info-tech at hi-tech ng ating kabataan, at ang karanasan sa pakikibaka, kaalamang sosyal at tibay ng determinasyon ng ng dati nang aktibista. Nagmumula tayo sa iba't ibang rehiyon ng bansa, at galing halos lahat sa nakikibakang uring magbubukid, manggagawa at mga panggitnang uri ng lipunan.

Inuugnay ng Padayon ang kanyang sarili sa mahaba at magiting na tradisyon ng pakikibakang bayan para sa paglaya ng bansa, demokrasya ng taumbayan, at pagpawi ng makauring pagsasamantala sa buong daigdig. Pinag-aaralan natin at pinaghahalawan ng leksyon ang karanasan ng nakaraan. Nananatiling komited tayo sa matapat, mahusay, mapagpuna-sa-sarili at lahatang-panig na pagsusuri at paglalagom ng mga nakaraang pakikibaka, sinuman at kahit anuman ang tamaan. At sa pagpapatuloy ng pakikibakang bayan, umuugit tayo ng bagong paradaym, estratehiya at organisasyon para sa hinaharap, sa pagpasok ng bagong milenyo. Nasa ating mga kataga at simbolo ang alaala ng kahapon pero ang diwa at bisyon ng ating panulaan ay hahanguin natin mula sa kinabukasan.

Dama natin ang sugat at siphayo ng sunud-sunod na henerasyon ng mga bayani at mandirigma ng laya, kabilang ang mga kapanalig natin sa ibang bansa, dahil di-matapos-tapos ang rebolusyong Pilipino. Naririnig natin nang paulit-ulit ang kantyaw mula sa mga naghahari at mga lokal na pariseo na ang pakikibakang bayan ay lipas na at nawalang-saysay. Nakatuntong tayo sa kasaysayan. Anumang layang pulitikal at sosyal na natatamasa ng bayang ito ay di galing sa magandang loob ng mga imperyalista at lokal na naghahari. Bunga ito ng daan-taong pakikibaka ng mamamayan.

Ang paglaban para maging bansang malaya sa kolonyalismo at imperyalismo ay nagbunga ng malalaking tagumpay sa dekolonisasyon. Ang mahabang pakikibaka laban sa panunupil at nitong mga taong di kalayuan, laban sa pasistang diktadura ay nagwagi ng ispasyong demokratiko. Sumusulong ang pakikibaka ng mga minoryang nasyunalidad at mamamayan para sa pagpapasya-sa-sarili. May mga tagumpay ang kilusang magbubukid sa pakikibaka para sa repormang agraryo. Gayundin ang kilusang manggagawa sa larangan ng pagpapalawak sa karapatan ng paggawa.

Ang mga tagumpay na ito, sampu ng kabayanihan at pagpapakasakit ng ating mga bayani, ang ating inspirasyon at tuntungan para ipagdiwang ang ispirito ng rebolusyong Pilipino at ituloy-tuloy ang laban para sa demokrasya at soberanyang bayan,pagsasakapangyarihan ng nakararaming mahihirap at naaapi, at pag-ahon ng ating lipunan mula sa kahirapan tungo sa mas maunlad at masaganang kalagayan. Tulad din sa nakaraan, di natin titigilan ang pakikiisa at pagsuporta sa mga mapagpalayang pakikibaka ng mga mamamayan at aping uri sa buong mundo.

Bagong mundo, bagong paradaym

Itinutuloy natin ang pakikibakang bayan sa ilalim ng bagong kapaligiran sa daigdig at sa bansa, sa harap ng bagong proseso, institusyon at kaisipan. Kung kayat ang pakikibakang ito ay nagdadala ng dati at bagong adyenda at kailangang gawan ng bagong bisyon, balangkas at kaparaanan.

Umuugit tayo ng bagong direksyon nang hindi padadala sa kalabisan ng postmodernismo o ng sari-saring bersyon ng dogmatistang sosyalismo o dogmatistang Kaliwa. Totoong walang engrandeng salaysay na makapagpapaliwanag sa mabilis at kumplikadong takbo ng daigdig ngayon. Pero hindi mababago ang lipunan nang walang salaysay o balangkas na mulat na hahabiin sa pag-uugnay ng teorya at praktika, o praxis. Sa kabilang banda, kapos ang balangkas Marxista na makahanap ng solusyon sa mga suliranin at kalituhang bunga ng globalisasyon.

Nasa sentro ng ating paniniwala at prinsipyo ang kaganapan ng pagkatao ng tao. Nananatiling mapagpasya ang makauring pakikibaka sa isang mundong batbat ng pagsasamantala ng uring kapitalista at iba pang mapagsamantalang uri. Subalit sa pagbubuo at paglilinang ng bagong salaysay, balangkas at proyekto ng pagbabago, humahalaw tayo mula sa mga bagong kaisipang libertaryo na naglalantad at tumitibag sa mga institusyon at relasyon na sumisikil sa pagyabong ng tao sa kanyang iba't ibang dimensyon sa buhay.

Natututo tayo sa diskursong peminista at kasarian-kalayaan tungkol sa patriyarka na umaapi sa kababaihan at sumasagka rin sa lahatang pag-unlad ng kalalakihan at kung gayon, ng buong lipunan. Nagpapalalim tayo sa kahulugan ng nasyunalidad at komunidad etnika at ang kabuluhan nito sa panlipunang pagbabago. Naliliwanagan tayo ng ideya ng likas-kaya at balansyadong pag-unlad sa harap ng panananalasa ng industriyalisasyon sa natural na kapaligiran na bumara mismo sa paglago at pangako ng kasaganaan. Ang etika ng makataong lipunan at daigdig ay

napapalalim at napapaunlad ng mga diskurso at praxis ng unibersalidad ng karapatang tao, humanisasyon ng digma at mapagpalayang ispiritwalidad ng Kristyanismo at Islam at iba pang mga dakilang relihiyon.

Ang daigdig ay mabilis na nahihigop ng globalisasyon ng puhunan, paggawa, impormasyon at teknolohiya. Ang may dominanteng kumpas at nakapangingibabaw na adyenda sa globalisasyong ito ay ang pandaigdigang kapital. Neo-liberalismo pa rin ang teoryang panghubog ng mga dominanteng kapitalistang bansa at higanteng korporasyong multinasyunal, bagamat naghahanap na sila ng mga adyastment para angkupan ang nagpuputukang krisis sa Asya at iba pang lugar.

Sa Pilipinas, ang mga naghaharing uri at ang gubyerno ay yumakap sa neo-liberalismo at pinabibilis ang pagkakahigop ng bansa sa globalisasyon. Sumikad ito sa ilalim ng administrasyong Ramos at ipinagpapatuloy sa ilalim ng bagong administrasyong Estrada. Dulot nito, lalong bumilis ang kalat ng pamilihan at kapitalistang relasyon sa buong bansa. Ang urbanisasyon ay umabot na sa mahigit kalahati ng populasyon ng bansa. Samantalang dominante na ang kapitalistang moda at relasyon sa bansa, nananatiling maganit ang malapyudal na relasyon sa mga niyugan, ang halong kapitalista, malapyudal at pyudal na relasyon sa tubuhan, at malapyudal na relasyon sa ilang bahagi ng palayan at maisan. Sa ilang lugar, pinaghalo ang ganitong relasyon sa burukratikong warlordismo. Ito at ang institusyong "rent-seeking" (kapitalismong crony at burukratikong transaksyon sa negosyo ang ilang halimbawa) ang sumasagka sa lubos na pag-iral at paggana nang episyente ng kapitalistang produksyon at relasyon sa bansa.

Malaki ang tagumpay sa dekolonisasyon ng ilang dekada ng anti-imperyalistang pakikibaka. Ang mga di-pantay na tratado at talamak na neokolonyal na relasyon ay bahagi na ng kahapon. Malawak na ang awtonomiyang tinatamasa ng estado mula sa kapit ng imperyalismong US. Subalit malaki pa rin ang impluwensya nito sa Pilipinas, lalo na sa ekonomya, at may hawak itong malalakas na lyabe na magagamit para magtulak ng patakaran ng gubyernong Pilipino. Pabor sa ganitong relasyon ang kapaligirang internasyunal. Matapos bumagsak ang Unyon Sobyet, ang US ang natirang superpower sa daigdig. Sa Asya, tanging ang Tsina lang ang nasa labas ng lambat ng mga alyansa at institusyong internasyunal na may dominanteng papel ang US. Kahit ang Hapon na mayor na partner sa kalakalan ng Pilipinas at katapat na lakas sa ekonomya ng US ay bulnerable sa panglalyabe ng US sa pulitika at militar.

May ispasyong demokratikong naipagwagi ang anti-diktadurang pakikibaka. Pautay-utay itong itinutulak mula sa ibaba ng mga kilusang sosyal at pulitikal at mga progresibo sa lokalidad at maging sa pambansang pamahalaan. Lubha pang mabagal ang prosesong ito. Makitid pa at mababaw ang demokrasya sa bansa sa kalahatan. Ang sistemang elektoral at sistemang partido ay nakukubabawan ng may malaking pera, makinarya at akses sa mga institusyon ng bansa tulad ng media at showbiz. Ang mga dinastiyang pulitikal na nag-ugat sa pagmamay-ari ng lupa, kontrol ng burukrasya at lokal na kapangyarihan at kalanauna'y napalawak pa ng yaman sa negosyo at pag-aasawahan sa iba't iba pang ma-impluwensyang pamilya ay lubha pang malalakas at matitibay. Umiiral sa ilang bahagi ng bansa ang mga enklabong awtoritaryan na pinaghaharian ng mga burukratikong warlord na nakabase sa lupa at lakas ng kapit sa militar at sentrong pamahalaan. Isa itong malaking kondisyon kung bakit nakababalik pa ang mga Marcos sa pulitika, nakakapamayagpag ang mga dating kroni at kasabwat nila at di pa matatawaran ang lakas ng kaisipang pasista sa loob ng sandatahang lakas.

Ang bagong kondisyon ng bansa at daigdig ay nagharap ng mga bagong tanong na matagal nang humihingi ng mga bagong katugunan. Hinarap natin ang mga katanungang ito, pinag-aaralan natin at sinasaliksik ang mga katugunan alinsunod sa direksyon ng pagsusulong ng demokrasya, pagsasakapangyarihan ng tao sa lahat ng larangan, likas-kayang pag-unlad at kasarian-kalayaan.

Una, ano ang halaga ng bansa-estado sa harap ng globalisasyon, at kung gayon, ano rin ang halaga pa ng pakikibaka para sa pambansang soberanya? Sa abot ng ating pagsasaliksik at praktikal na pakikitunggali, nakikita natin ang malaking tagibang o di-pantay na pagsulong ng globalisasyon, lalo ng puhunan at kaalaman, sa mga rehiyon at mga bansa ng daigdig. Ang mga abanteng kapitalistang bansa ay may malaking partida sa pagbubukas ng mga pambansang pintuan para sa mas malayang kalakalan. Nagagamit nila ang yamang nadambong at nakamal nila sa matagal na panahon para lamangan, ipitin o di kaya'y ikabit sa kanilang pundilyo ang naiiwang bansa. Kita ito sa mga negosasyon para sa World Trade Organization sa nakaraan.

Kinikilala natin na ang nagagawang bentahe at potensyal ng globalisasyon ng puhunan, paggawa, impormasyon at teknolohiya sa pag-angat ng materyal at pangkulturang kalagayan ng lahat ng bansa at lipunan sa daigdig. Subalit hanggang di-pantay ang akses sa mga ito at kumakapit pa rin ang mayayamang bansa sa instrumento ng kanilang bansa-estado para higit na makinabang, napakahalaga pa ng institusyon ng bansa-estado, lalo sa mga bansang mahirap tulad ng Pilipinas, para protektahan ang interes ng mamamayan, makapagmaniobra at makalaro nang mas pleksible kung kailan at saan bubukas at sasara, lubha't kung ang layon ay mapayabong ang ekonomya at maingat sa kahirapan ang mayorya.

Sa ganitong layunin, ang paglaban para sa soberanyang bayan ay may halagang di matatawaran. Hindi ito laban ng puro at makitid na nasyonalismo o awtarkiya o pagputol ng ugnay sa daigdig. Laban ito sa imperyalistang pandarambong at para sa isang daigdig kung saan may pantay na akses ang mga bansa at lipunan sa mga institusyon at pakinabang ng globalisasyon. Nakikita nating higit na mag-uugnay ang pagtatanggol ng soberanya at internasyunal na pagkilos kasama ang mga bansa at lipunang dehado sa neo-liberal na globalisasyon.

Ang nagbagong kapaligiran ay humihingi rin ng bagong depinisyon o bagong imahinasyon ng nasyon at nasyunalismo. Malayo na tayo sa dating bansang saklaw ng tradisyunal na nasyunalismo. Ang sakop ng bansang-estadong Pilipino ay isang komunidad na multi-etniko, multi-nasyunalidad at multi-lokasyon. Multi-etniko dahil may mayorya, may Tsinoy at may katutubo. Multi-nasyunalidad dahil may Bangsa Moro. At multi-lokasyon dahil may malaking bilang ng mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa maraming bansa ng daigdig.

Muli nating nililikha ang nasyon-estadong Pilipinong ito. Bagong mga layunin at bagong mga pagkakaisa ang kinakailangan. Tungo sa layuning ito, lalong nagiging mahalaga ang pagkilala sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili at karapatan sa lupang ninuno na mas alinsunod sa customary law ng Bangsa Moro, mamamayan ng Cordillera at mga mamamayang katutubo sa iba't ibang panig ng bansa. Dapat ding pag-aralan ang paglikha ng bagong kaayusang pulitikal kung saan ang iba't ibang mamamayang ito ay magkakaroon ng mabisang lugar at papel sa pagpapasya at pamumuhay. Halimbawa nito ay ang sistemang pederal at sistemang parlamentaryo na may representasyong proporsyunal.

Ikalawa, kinukwestyon ang kakayahang tumindig ng maliit na pampamilyang sakahan, ang pangunahing modelo ng ating repormang agraryo, sa harap ng kompetisyong likha ng globalisasyon at paglawak ng kapitalismo sa ating ekonomya at ng urbanisasyon sa buong kapuluan. Ito ngayon ang pinamamarali para itabi na ang di matapos-tapos na repormang agraryo. Matibay ang kaso para sa maliit na saka sa mga aralin at pagsasaliksik sa buong mundo. Tanggap na mas produktibo ang maliit na saka kaysa malaki lalo na sa mga pagkaing pananim. Ang economies of scale sa pagbebenta, makinarya, pagproseso ng produkto at pamamahala ay napatunayan nang malulutas sa pamamagitan ng pagtitipon ng puhunan ng maliliit na saka sa kooperatiba o pangongontrata sa mga empresang agri-business o joint venture sa negosyo. Kung kulang man sa kakayahan ang maliit na magbubukid sa pamamahala at pagnenegosyo, ito ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga programa ng gubyerno at mga NGO sa pagtataas ng kapabilidad ng mga prodyuser sa nayon.

Totoong di kayang saklawin ng modelo ng maliit na saka ang lahat ng tipo at lugar sakahan sa bansa. May mga sakang komersyal na mas makabubuti at mas produktibong panatilihing malaki at patakbuhin sa sama-samang paraan sa anyo ng kooperatiba o empresa. Bukas tayo sa mga adyastment na magpapasigla sa produksyon at babawas sa pagtutol ng mga may-ari ng lupa bagkus maggaganyak pa siyang mamuhunan sa dati niyang pag-aari. Subalit suplementaryo lang ito sa pinakaubod ng programa-- ang pamamahagi ng pagmamay-ari at kontrol sa lupang sakahan ng bansa sa kamay ng maliliit na magbubukid. Dapat labanan ang tunguhin sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan na bumitiw sa saligang moda ng repormang agraryo at pumabor sa mga iskemang "corporative" at mga kumbersyon ng lupa.

Hindi maaaring ipakarga sa reporma sa lupa ang iba pang malalaking problema sa kanayunan tulad ng malaking disempleo at lumalaking hukbo ng pana-panahong trabahante sa sakahan. Ibang programa ang kailangan dito na saklaw ng pagtatayo ng mga industriyang rural, pagpapalago ng mga hayupan at kaugnay na hanapbuhay, at mga serbisyong naglilingkod kapwa sa agrikultura at kanugnog na lunsod at bayan. Para sa mga nakapag-aral na anak ng mga taganayon, ang paglago ng industriya at serbisyo sa buong bansa ang makapagbibigay sa kanila ng empleo at kita.

Ikatlo, anong konsepto ng pagpapaunlad ang aangkop sa Pilipinas na di pa man nakakakuha ng sapat na momentum sa industriyalisasyon ay inabutan na ng yugtong post-industrial at rebolusyong info-tech sa paglikha ng yaman sa daigdig? Ayaw natin sa mabilis at bara-barang industriyalisasyong itinataguyod ng mga neo-liberal. Kailangan ang pagtatalaga ng mga protektadong erya para sa agrikultura at balansyadong pag-unlad na kokomplemento sa pagbawi ng balanse sa ekolohiya ng bansa. Ang mayayamang lupain, lalo na ang may patubig o maaaring tubigan ay kailangang protektahan mula sa konbersyon para sa seguridad sa pagkain ng bansa at pagtitiyak ng repormang agraryo.

Kailangang pabilisin ang pagtataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa para sa kakayahang info-tech at hi-tech, at pagsuporta sa mga serbisyong nakalinya rito para makasabay ang ating lakas-paggawa sa kompetisyon sa loob ng bansa at sa pamilihan ng daigdig. Kailangan ng pagganyak sa mga linya ng serbisyong kailangan sa ating bansa at may laban sa pamilihan sa labas tulad ng sa kalusugan at pag-aalaga.Kailangan ding buhusan ng suporta ang programang nagbibigay ng maraming kasanayan sa ating lakas-paggawa para sila makaangkop sa paglaganap ng pleksibilidad sa paggawa at makahanap din ng mas mataas na kita.

Ang industriyalisasyon ay marapat lamang na ituon sa pangangailangang domestiko, sa kung saan mayroon tayong malaking bentahe sa yaman, rekurso at kakayahan, tulad ng agrikultura, at sa kung saang kasanayan may laban tayo sa pamilihan ng daigdig. Ang iba pang kakulangan natin ay mahaharap sa pamamagitan ng mahusay na negosasyon sa pakikipagkalakalan at palitan ng kaalaman.

Para sa lakas paggawang hindi makayanang saluhin ng pag-unlad ng ating ekonomya o di kaya'y naghahanap ng mas mataas na kita at mas mahusay na kondisyon ng paggawa, ang empleo sa ibayong dagat ay hindi maaaring ipagkait sa kanila. Tungkulin ng pamahalaan na pangalagaan ang ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa. Tungkulin nitong tiyakin na mapapabuti nga ang ating mga kababayan sa pupuntahan nilang mga bansa at sektor ng empleo. Tungkulin nitong siguruhing marerespeto ang kontrata nila sa trabaho, maiiwasan ang pang-aabuso sa kanila at mabibigyan sila ng ayudang ligal at pinansyal sa panahon ng aberya.Dapat maghabol pa ng mas mahuhusay pang kondisyon ng paggawa sa pamamagitan ng negosasyong diplomatiko. Panahon na rin para tiyaking makakaboto ang mga manggagawa sa ibayong dagat tuwing may eleksyon.

Ikapat, ang debate sa relasyon ng estado at pamilihan bunsod ng neo-liberal na opensiba at pagbagsak ng kampong sosyalista ay nahihinog na para sa resolusyon sa ating bansa.

Maliwanag ang karanasan ng nagdaang mga taon, lalo na sa ilalim ng programang Philippines 2000 ni Fidel Ramos kung saan naibwelo ang liberalisasyon ng ekonomya. Samantalang may kawastuhang lumayo sa sobrang regulasyon ng estado sa ekonomya na nagbubunga ng burukrasya, katiwalian, layaw sa proteksyon ng lokal na kapital at di-episyenteng negosyo, maling bumaling sa kabilang dulo na iwan sa pamilihan ang takbo ng ekonomya. Ang mahihirap at walang kasanayan ay lalong tinatamaan. Ang ating maliit na magbubukid ay dehado kung isusubo sa kumpetensya dahil sa bagal ng reporma sa lupa, kakulangan ng akses sa kapital, kawalan ng kasanayan sa pamamalakad ng negosyong saka, kawalan ng impormasyon sa pamilihan, at kawalan ng suporta sa imprastruktura at mahahalagang inputs. Ang ating lakas paggawa naman ay hindi makasabay sa bilis at kumplikasyon ng moda ng pleksibilidad ng paggawa, at makahanap ng mas mataas na kita dahil kulang sila sa kasanayan, edukasyon at impormasyon sa pamilihan.

Humina ang kondisyon sa pag-uunyon ngayon, at bulnerable sila sa kababaan o kawalan ng sahod panlipunan para sa edukasyon, kalusugan at mga pangangailangang dapat pensyunan. Hindi sa pamilihan nila makukuha ang mga ito dahil wala silang panimulang rekurso. Ang estado lamang ang makakatulong sa kanila rito. Hindi lamang magsasaka at lakas-paggawa ang agrabyado sa paghahari ng pamilihan. Lalong matindi ang tama sa saray ng ating lipunang kung tawagin ay mahirap na mahirap o "poorest of the poor" na halos walang-wala sa edukasyon, kasanayan at pag-aari. Tinutukoy natin ang mga pana-panahong trabahante sa agrikultura, at ang mababang-kasanayang trabahante sa syudad. Pagsasaliksik sa "poverty alleviation" mismo ang nagsasabi na walang magagawa dito kundi "welfare" para mapag-aral nila ang kanilang mga anak, matignan ang kanilang kalusugan at unti-unting sanayin sa mga proyektong pangkabuhayan na mag-aahon sa kanila sa kanilang dustang kalagayan. Estado ang mapagpasya sa pagsasakatuparan ng mga ito.

Hindi natin inaalis at maaalis ang pamilihan hanggat walang naipapalit ditong mas mabuting instrumento ng pamamahagi ang sangkatauhan. Subalit walang tunay na malayang pamilihan. Kahit ang tinatawag na pinakasopistikadong pamilihan ay may pakikialam ang estado at ibang institusyon ng lipunan. Ang dapat ay magpakadalubhasa tayo sa pag-andar nito, kasama ang pakikialam ng iba't ibang entidad dito, para tumakbo ito nang pabor sa mga layuning sosyal. Dapat tayong lumaro sa pamilihan pero mapagpasya pa rin ang estado kung paano uunlad ang kabuhayan, makaangat sa kahirapan ang mayorya at maisasakapangyarihan ang mamamayan sa ekonomya.

Ikalima, kailangan pa ang dibdibang pag-aaral sa paglitaw at paglaganap ng moda ng pleksibilidad ng paggawa tulak ng globalisasyon at rebolusyon sa teknolohiya. Kailangan nating magsunog ng kilay at sumubok sa praktika at advocacy ng bagong estratehiya kung paano maangkupan ng ating lakas-paggawa ang moda ng pleksibilidad at malikha ang mga instrumento at paraan ng pagsasakapangyarihan sa manggagawa sa paglaban at pakikitungo sa mga kapitalista.

Sa ngayon, ang estado pa lamang ang may malakas na lyabe para makamaniobra at maprotekyunan ng mga manggagawa ang kanilang sarili. Mahalagang maitulak ang estado para palakihin ang sahod panlipunan at anumang kakayaning maisabatas na sahod minimum dahil sa humina ang kakayahan sa bargaining ng mga unyon. Isa pang dapat gawin ng estado ay makapagbuo ng "social clause" o "social chapter" na magpapako ng ilang kondisyones para protektahan ang paggawa kapalit ng garantiya sa papasok na puhunan tulad ng ginagawa sa Tsina. At kailangan ng buhos sa edukasyon para mapataas at mapalawak ang kasanayan at kakayahan ng ating lakas-paggawa para sa produksyon, syensya at teknolohiya.

Unti-untiin na rin natin ang paglikha ng iba pang organisasyon ng paggawa na sasaklaw sa orbit ng pleksibilidad ng paggawa--ang mga kontraktwal, casual at impormal. Hindi makasasapat ang unyon bilang anyo ng organisasyon. Ipursige natin ang pagsubok ng mga manpower pooling at organisasyong komunidad at bawat linya ng kasanayan. Hindi mawawala ang papel ng kilusang unyon. Bukod sa pag-oorganisa at pagtatanggol sa mga regular na lakas paggawa, nasa kanila ang panimulang kaalaman at puhunan para tulungan, makikoordina sa iba pang kaibigan sa lipunan at imulat sa makauring interes ang bahagi ng manggagawang maoorganisa sa mga bagong tipo ng organisasyong paggawa.

Gagawin din nating puspusan ang pakikiugnay at pakikipagtulungan sa mga unyon at organisasyong manggagawa, mga partido ng Kaliwa, at mga institusyong may oryentasyon sa paggawa at sosyal na advocacy sa buong mundo. Mahalaga ito para sa palitan ng kaalaman at aralin, karanasan at pormulasyon ng bagong estratehiya at taktika. Mahalaga ito para sa tulungan sa pagkilos sa paglaban sa mga anti-manggagawang palakad at patakaran ng mga multinasyunal at mga gubyerno sa iba't ibang bansa. Mahalaga ito para muling masariwa at mapaunlad ang internasyunalismo ng paggawa.

At ikaanim, maaga tayong nakapagpirmi sa ating mga ideya sa relasyon ng estado at lipunang sibil, partido at mga organisasyon ng lipunang sibil. Isa tayo sa tumindig para baguhin ang purong estadistang pagtingin sa demokrasya, at bigyan ng karampatang halaga ang pagbubuo ng malakas na lipunang sibil sa isang malusog na demokrasya.

Ating pinanindigan ang karapatan sa awtonomiya ng mga organisasyong masa at iba pang organisasyon ng lipunang sibil di lamang mula sa estado kundi kahit sa partido pulitikal na malapit at lumalaban para sa kanila. Tinitignan nating garantiya ito sa demokrasya at pagsasakapangyarihan ng mamamayan sa lipunan at sa loob ng mga kilusang bayan mismo. Naniniwala tayo na ang unang patunay ng ating komitment sa demokrasya ay ang kakayahan nating magpairal nito sa loob mismo ng kilusan sa pagbabago.

Iwinawaksi natin ang bangardismo bilang prinsipyo ng pagbubuo at pagkilos ng mga partidong pulitikal na nais mamuno sa kilusang pagbabago. Walang maaaring magkaroon ng monopolyo sa kung ano ang tama at ano ang mali. Ang pamumuno ay may katapat na pananagutan o accountability, bagay na wala sa mga bangardistang organisasyon. Ang pamumuno ay nasa paghaharap ng wastong ideya at plataporma sa pagbabago, paglilingkod ng tapat at bukas, paglubog sa mamamayan, pagpapakita ng mabuting halimbawa at pangunguna sa sakripisyong kakailanganin sa pakikibaka, at kakayahang kumilala ng sariling pagkakamali.

Ang Estratehiya Natin:
Repormang Radikal, Akumulasyong Demokratiko

Hinihingi ng bagong kapaligirang pulitikal at sosyal, at bagong kaalaman sa lipunan at sa tao sa pangkalahatan, ang isang bagong henerasyon ng mga estratehiya para sa pakikibakang bayan, pakikibakang uri ng mga proletaryado at maliit na magbubukid, at pakikibaka ng nasa tradisyong sosyalista na tumatahak sa mas demokratikong direksyon.

Ipagpapatuloy natin ang di pa nalulubos na adyenda ng rebolusyong Pilipino: 1) ang reporma sa lupa at 2) pagkakamit ng demokrasya para sa mayorya ng mamamayang Pilipino. Kasabay nito, ipaglalaban natin ang 1) mahusay na pagpwesto ng ating bansa sa globalisasyon sa pamamagitan ng pagtatanggol sa soberanyang bayan at paggamit ng relasyong internasyunal at rehiyunal, at 2) ang demokratisasyon ng akses sa puhunan, impormasyon, kaalaman at teknolohiya. Bubuo tayo ng bagong sosyalistang paradaym.

Bibigyan pa natin ng halos na pantay na diin ang kumbinasyong syudad at nayon, o urban at rural. Alinsunod ito sa umiiral na hatian ng populasyon at diin na ibinibigay natin sa balansyadong pag-unlad ng ating ekonomya at lipunan. Gayunman, magbibigay tayo ng natatanging pansin sa kabataan na siya ngayong bumubuo ng malaking mayorya ng ating populasyon. Sila ay mas edukado kaysa dating henerasyon, mas syudad at mundo ang oryentasyon, nakatingin sa daigdig ng info-tech at rebolusyon sa syensya at teknolohiya, at kabilang o patungo sa hukbo ng manggagawa sa serbisyo, impormasyon at industriya. Marami sa kanila ay galing probinsya o anak ng mga magbubukid, at importanteng makuha ang konsiderableng bilang nila na lumahok sa pakikibakang magbubukid at rural at gawaing pagpapaunlad sa agrikultura.

Nasa hayag at ligal na pakikibaka tayo. Narito ang mas dinamikong proseso ng pagkakamit ng mga repormang demokratiko at sosyal at ng pangkalahatang akumulasyon ng lakas. Tumutugon tayo sa kondisyong may ispasyong demokratiko, malakas na tradisyong anti-diktadura, malakas na tunguhin ng demokratisasyon sa mundo, at ang rebolusyon sa komunikasyon, impormasyon at teknolohiya na nagpapahirap sa may balak na mag-tirano na sarhan ang mga hayag na demokratikong proseso sa anumang bansa. Dumarami ang mga salik sa ating panahon na pabor sa mapayapang paraan ng pagbabago.

Sakali, at huwag naman sana, na may magharing tirano, soberanyong karapatan ng mamamayan na gumamit ng iba pang porma ng pakikibaka upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at mga tagumpay ng demokrasya at panlipunang pag-unlad.

Ang kalagayan ngayon sa bansa at sa daigdig ay nababagay para sa hakbang-hakbang at mapayapang pag-unlad ng pakikibakang bayan at uri. Ang layunin natin sa yugtong ito ay mailaban, maisulong at maipagwagi ang ilang radikal na reporma sa lipunan na magsusulong ng demokratisasyon at pag-angat sa kalagayang sosyal ng mga mahihirap at kulang sa kapangyarihan.

Programa itong medium-term.

Apat na repormang radikal ang ating pagsisikapang makamit. Una, ang pagtatapos ng repormang agraryo at pagkakaroon ng isang mahusay na patakaran at batas sa paggamit ng lupa at tubig. Ikalawa, ang pagrereporma ng istrukturang pulitikal tungo sa isang sistemang parlamentaryo na makapagbibigay ng mas malaking tsansa sa mga partido ng masa na mahalal at maging mayorya sa sentral na pamahalaan. Ikatlo, ang pagbubuo ng isang progresibo at Kaliwang partido pulitikal na may lakas at kakayahang maging partido ng paggugubyerno sa lokalidad at pambansang antas. At ikapat, ang muling pagbangon ng kilusang paggawa, ang pagkakamit ng mataas na pagkakaisa nito at pagwawagi ng mas mabuting sahod panlipunan at dagdag na proteksyon sa karapatan ng paggawa.

Sa pagkakamit ng mga repormang ito, lalaro tayo sa larangan ng estado at lipunang sibil, sa lokalidad at pambansang antas, sa mga institusyon ng lipunan at sa pagkuha ng suportang internasyunal. Hindi tayo magdudumali o patatali sa mga estratehiya ng pagwawalay sa mga nakatayong administrasyon. May panahon para rito--kung may nahihinog na polarisasyon. May kakaibang rekisito ang ating mga proyekto: 1) ang masinsing pag-aaral sa mga usapin at patakaran, 2) mahusay na larong taktikal sa lahat ng arenang gagalawan, 3) mahusay na gawaing koalisyon, 4) mahusay at masinsing gawaing masa, at 5) mahusay na pagpapalitaw at pagpapaunlad ng kakayahan ng mga lider pambayan.

Ang estratehiyang ito ay para sa panahon ng dahan-dahang pag-unlad ng pakikibaka. Sakaling dumating ang paghinog ng kondisyon para sa polarisasyon, ang pagsapit ng mahahalagang "sandali", tataasan natin ang ating mga layunin at kukumpas tayo nang mas mabilis, mas organisado at mas disiplinado.

Paano ang rebolusyonaryong akumulasyon? Paano natin matitiyak na ang pakikibaka para sa mga reporma ay tunay ngang masusustini at makapagsisilbing tuntungan para sa higit pang pagbabago? Datirati'y nasa tuluy-tuloy na pagpapalakas ng rebolusyonaryong partido at organisasyon nakaasa ang akumulasyon. Gayundin sa pagbubuo ng malalayang purok at organo ng kapangyarihang pampulitika kasabay na iiral ng mga reaksyunaryong aparato. Ngayong di na ito posible, ang titiyak ng akumulasyon ng mga tagumpay ng pakikibakang bayan ay ang tuluy-tuloy na paglapad at pagkakainstitusyonalisa ng demokrasya sa lipunan, tulad ng mas malalapad at establisadong partisipasyon ng masa sa paggugubyerno sa lahat ng antas. Titiyak din ng akumulasyon ang tuluy-tuloy na paglakas ng mga partido, organisasyon, NGO at iba pang organisasyon ng lipunang sibil na komited sa pagsusulong ng pagbabago.

Isang malaking aral sa nakaraan ang pagwawaksi ng sektarismo sa kilusang bayan, lalo na sa bahagi ng lumalaking mga organisasyon. Ang pagpapatuloy ng pagbabago at rebolusyonaryong proseso, ang pagwawagi ng demokrasya at panlipunang pag-unlad ay hindi magagawa ng isa o dalawang organisasyon. Tungkulin ito ng lahat at magagawa lamang ito kung may kakayahang magtulungan at magkaisa ang lahat. Sa bawat hakbang ng pakikibaka, mahalaga ang pagbubuo ng mga koalisyon at pakikipag-isa sa lahat ng positibong elemento. Nasa bayan ang pagpapasya. Nasa pagkakaisa ang kanyang lakas.







HOME
What's New   About PESC-KSP   Contents
  Action Alerts   Announcements and Statements   Events Calendar
  Overseas Filipinos
  Resources   Partners and Links