Ang pag-iral ng globalisasyon, bilang pandugtong buhay sa krisis na dinaranas ng sistemang kapitalismo sa buong muno, ay ang obhetibong nagmumulat sa masang manggagawa na kinakailangan na nitong mapagpasyang harapin ang krisis ng kapitalismo sa pamamagitan ng bagong pormasyon at mapangahas na pagkilos ng sosyalismo bilang balangkas sa pagtataguyod ng interest ng uring manggagawa at iba pang maralita sa bansa.
Sa ilalim ng globalisasyon ay nagaganap ang malayang kalakalan na nagaalis sa integridad at hangganan ng mga bansa na siyang tanging lohikal na landas upang dugtungan ang buhay ng naghihingalong kapitalismo sa krisis na dinaranas nito sa kasalukuyan.
Iginigiit ng globalisasyon ang kumprehensibong pamamayani ng internasyunal na kapital sa kontrol ng iilang malalaking kapitalista mula sa mga mauunlad na bansa. Dahilan ito upang and lokal at mahihinang kapital ay madurog sa kamay ng internasyunal at monopolyong produksyon; at maitakda bilang pamilihan at sumandig ang atrasadong bansa sa produkto at global na pangangalakal ng mga mauunlad na kapitalistang bansa. Ang dulo nito ay ang pagkontrol ng internasyunal na sistemang pampinansya, kasabay ang pampulitikang kalagayan, sa lokal na kaayusan ng mga bansa.
Sa ilalim pa rin ng globalisasyon ay patuloy na pinabibilis ng siyensya at teknolohiya ang paglawak at pag-unlad ng produksyon kaakibat ng akumulasyon ng kapital at kontrol sa distribusyon ng yaman sa kamay ng uring kapitalista, gaya ng binabanggit sa itaas. Ito ay walang dudang magreresulta sa papalalang krisis ng ekonomiya ng bansa at daigdig at lalo pang pagkabusabos ng masang anakpawis.
Samantalang nilulutas ng uring kapitalista sa bansa ang hindi maiiwasang integrasyon nito sa globalisasyon, ibinubulid naman nito ang uring manggagawa sa higit pang pagkabusabos kapwa sa namimiligrong negosyo na hinihikayat ng murang lakas-paggawa sa bansa.
Higit kailanman dapat igiit ng uring manggagawa ang makatarungang pakikibahagi nito sa nilikhang yaman ng produksyon na ganid na inaangkin lang ng uring kapitalista. Mapagpasyang pagtatanggol sa interes ng uri at iba pang maralita sa pampulitikang pamamahala ang lohikal na tunguhin sa harap ng pagigiit ng gobyerno na pangunahing tugunan ang interes ng uring kapitalista sukdulang isakripisyo nito ang pambansang interes at isantabi ang interes ng masang manggagawa sa atake ng globalisasyon.
Walang duda na ang globalisasyon ay ang pagpapanibagong hugis ng monopolyo kapitalismo upang makasalba sa pandaigdigang krisis na nilikha nito. Nilalantad nito kung gaano kabulok ang sistemang kapitalismo at hinihingi sa uring manggagawa ang kakagyatang gampanan ang kanyang istorikal na misyon sa daigdig na isulong ang sosyalismo upang kamtin ang makatarungang kalakaran sa ekonomiya't panlipunang pamamahala na hindi matatagpuan sa ilalim ng kapitalistang sistema at kaayusan.
Ang limitasyong ipinapataw sa lantay na larangang unyunismo ng lantarang sabwatan ng mga kapitalista at gobyerno ang kongkretong naghahawan ng oportunidad at hamon upang mapangahas na iangat sa pampulitikang arena ang pakikibaka ng repormo sa ilalim ng kapitalismo kakawing ng pagsusulong ng sosyalismo.
Nakamit ng uring manggagawa ang karapatan sa pag-uunyon, nagawa pa rin ng uring kapitalista na ipawalam-bahala ito. Mula sa tahasang pagsagka sa pag-uunyon, nanaig ang uring kapitalista sa paghubog ng mga impostor na liderato sa kilusang manggagawa at sa patuloy na pagsupil sa mapangahas na pagkakaisa at pagkilos ng mga unyon.
Nagawa pa nitong isabatas ang artipisyal na pagkakategorya sa mga manggagawa sa regular at kaswal o kontraktwal. Bunsod ng paghahangad ng higanteng tubo, isinadlak ang ganitong kalagayan ang unyunismo sa limitado nitong saklaw, sa pagluwal ng elitistang seksyon sa sektor paggawa, at pagtindi ng kumpetisyon sa harap ng lumolobong reserbang pwersa ng manggagawa.
Ang pagsusumikap na palawakin at konsolidahin ang unyunismo ay epektibong binansot ng samu't-saring paraan ng kapitalista, gaya ng kaswalisasyon at kontrakwalisasyon, samantalang patuloy sa paglaki ang hindi organisadong manggagawa at pagbubukas ng mga larangan na nagkakait sa benepisyo ng unyunismo.
Sa kabila ng oryentasyon at oportunidad para sa pulitikal na aspeto ng kilusang manggagawa, maging ang progresibong pwersa ay tumulad sa tradisyunal na liderato sa sektor paggawa sa pagkalulong sa lantay o purong unyunismo at nagsilbing karibal pa ng mga pederasyon na siyang may orihinal na katangian sa pagtataglay ng gawaing unyon.
Bagamat umiigting ang panggigipit ng uring kapitalista upang pakitirin at ilagay sa depensibang karakter ang pakikibakang unyon, hinahawan naman nito ang bago at opensibang alternatiba sa larangan mismo ng panlipunang pamamahala na maggigiit sa karapatan ng mayoryang manggagawa at maralita laban sa pamamayani ng interes ng iilan sa bansa.
Sadyang ngayon na ang panahon ng pangangailangang umigpaw na ang mga manggagawa mula sa simpleng kamalayang unyunista tungo sa pagiging sosyalista. Sapagkat ang pagwawakas ng pagkabusabos ng masang manggagawa ay hindi matatagpuan sa ilalim ng sistemang kapitalismo dahil ito mismo ang ugat ng pagkabusabos ng masang manggagawa.
Sosyalismo, sa pamamagitan ng bagong pampulitikang organisasyon na tahasang nagtataguyod nito, ang kongkretong ekspresyon ng pagpapaigpaw sa kamalayan ng masang manggagawa. Sa madaling sabi, ang pagkitid ng larangan ng unyunismo ay mapagpasyang ipagtatanggol at gagawing higit na masaklaw sa pormasyon at kampanya na kakatawan sa interes ng boung uring anakpawis at maglalantad sa deseptibong pakikisabwatan ng uring kapitalista sa gobyerno ( na nagsisilbi bilang repesentante ng makauring unyon ng kapital.)
Ang kawalan ng masaklaw na pagkakaisa ng manggagawa bunga ng pagkakahati at pagdodomina ng kasalukuyang mga liderato sa unyunismo ay instrumental sa pagsidhi ng hangarin ng mga manggagawa na iluwal at bigyan ng kongkretong larawan ang kolektibong pamumuno at kamtin ang pagkakaisa batay sa interes ng uri at pagsusulong ng sosyalistang tunguhin sa kilusang paggawa.
Malaon nang hangad ng manggagawa ang pagkaisahin ang uri upang maimarka ang interes at laban nito sa pananalasa ng kapitalismo. Subalit karanasan na ang naglantad na sa tuwina ay nababalaho ang ganitong tunguhin dahil sa anti-progresibong tendensya ng mga namumuno sa kilusang paggawa. Nagaganap ito dahil ang diskreditong motibasyon sa kaisahan ay ang pagpasok sa patibong ng dominasyon (paghahari-harian) at pagigiit sa pagkilala at impluwensya ng kani-kanilang mga personalidad at organisasyon bilang siyang promotor nito.
Sinasaklaw nito ang tradisyunal at aristokratang molde at maging ang sektaryanista at personalistang lideratong nagmula mismo sa progresibong kilusan. At yayamang ang kasalukuyang mga lider sa kilusang paggawa ay nakatali't lulong sa gawaing unyunismo, hindi makaalpas ang pagsisikhay sa pagkakaisa sa paggawa mula sa arogansya at sektaryanismo tungo sa masaklaw na pagkakaisang iniluluwal ng obhetibong interes ng uring manggagawa.
Sa parokyal na oryentasyon ng namamayagpag na mga liderato sa ibabaw ng mga unyon, epektibong naihihiwalay ang unyunisadong manggagawa sa mas malawak na saklaw ng manggagawang hindi organisado at pamamayani ng limitasyon mula sa pagkakahati-hati sa iba't-ibang pampulitikang paniniwala't oryentasyon.
Hindi pwedeng talikdan ngayon ng mga sosyalistang pwersa ang hamon ng pangangailangang abutin ang mga manggagawang hindi organisado sa mga unyon bilang mapagpasyang base na guguhit sa bagong tipo ng pagkakaisa batay sa makauring interes at pagmumulat sa mga lider at manggagawa na nasa ilalim ng aristokrasya sa paggawa.
Mawawalan ng dahilan ang progresibong kilusan na magpakalulong, kundi man ay mambansot, sa natural na inisyatiba't liderato ng mga unyon at pederasyon sa maliit na porsyento at larangang ginagalawan ng mga organisadong manggagawa kung dalisay ang pagsandig nito sa abanteng tunguhin ng mulat na pwersa sa kilusang paggawa.
Lalong tumitingkad ang makauring pagkakaisa laban sa kapitalismo na siya ring ambag ng manggagawang Pilipino sa pagkakaisa ng mga manggagawa sa lahat ng bansa sa atake ng globalisasyon. Nahaharap ngayon ang mga sosyalistang pwersa sa pagluluwal at paghuhubog sa kolektibong pamumuno ng uring manggagawa sa pakikibakang unyunismo at paggampan ng papel bilang taliba ng masang anakpawis tungo sa pagkakamit ng sosyalismo.
Walang pasubaling pinanninindigan ng SKM ang pagtatakwil sa kapitalismo hindi lang bilang sistema para sa pamamayani ng ilan, kundi sa kainutilan nito na i-akomoda ang buhay at pag-unlad ng uring manggagawa. Wali ring duda nitong pinanghahawakan ang pananalig sa sosyalismo bilang batayan at sulosyon para wakasan ang sistemang pinag-uugatan ng pagkaalipin ng masang manggagawa at para sa pagkakamit ng pamamayani ng buhay at interes ng mayoryang manggagawa at maralita.
Umabot na ngayon sa yugto ang krisis ng sistemang kapitalismo upang sagad-sagaran na nitong igiit ang pamamayani ng lokal at internasyunal na kapital sukdulang tuluyang ilugmok sa pagka-alipin at pagkabusabos ang uring manggagawa at maralita sa bansa.
Ang globalisasyon, bilang akumulasyon ng kapital at ang pag-angkin sa yaman ng buong daigdig ang tanging landas upang isalba ang internal na krisis ng kapitalismo. Iniluluwal nito ang bagong tunggalian para sa kapakinabangan sa kapitalistang produksyon kung saan nakasalalay ang buhay ng uring kapitalista at sistemang kapitalismo.
Ito rin ang materyal na kondisyon sa panibagong iritasyon at nagbabadyang pagsiklab ng makauring tunggalian at ang mga panlipunang pwersa at interes sa bansa ngayon. Nahaharap kung gayon ang manggagawa na agresibong ipagtanggol ang buhay at kamatayan ng uring anakpawis sa larangan ng pakikibaka sa reporma sa ilalim ng sistemang kapitalismo at sa higit na istratehikong laban sa pagsusulong ng sosyalismo.
Anupa't ang ating pakikipag-CBA sa antas at kampanya para sa makataong karapatan at kagalingan sa antas gobyerno sa esensya ay pakikipagtawaran; hindi para sa layuning wakasan ang pagkaalipin ng masang manggagawa kundi'y pakikipagtawaran para sa pagpapabuti ng pagkaalipin ng uri. Sa pamamagitan ng paggigiit ng sosyalistang alternatiba, mapagpasyang ilalantad ng SKM ang kasalukuyang pagtrato sa manggagawa bilang kalakal at kasangkapan lang sa produksyon, hanggang sa isyu ng pagwawakas ng pribadong pag-aari at kontrol sa kagamitan sa produksyon ng uring kapitalista.
Sa pag-igpaw ng kilusang paggawa sa limitasyon ng unyunismo patungo sa pampulitikang larangan, igigiit ng SKM na ang batayan ng karapatang pasahod ay integral sa buong kagalingang pantao na gagarantiyahan ng pampulitikang pamamahala, hanggang sa istratehikong pagwawakas ng pribadong pagmamay-ari sa kagamitan sa produksyon.
Ang kampanya sa pang-ekonomiyang kapakinabangan ay isasanib ng SKM sa kampanya sa demokrasya sa panlipunang kaayusan. Ito ay ang sosyalistang pagresolba sa pribadong pag-aari na nakasalalay sa pamamayani ng interes at lakas ng manggagawa sa pampulitikang pamamahala.
PROGRAMA SA PAG-OORGANISA na sumasaklaw sa mga sumusunod: Pag-abot sa hindi organisadong manggagawa upang mabuo sila sa mga unyon o iba pang porma ng organisasyon; Pagtataas ng antas ng pagkakaorganisa ng mga unyon patungo sa pagtataguyod sa pagbubuo ng pambansang pederasyon sa linya ng industriya (line industry formation); at Pagbuhog sa masang anakpawis para sa pampulitikang sentro na magsusulong ng pagmumulat sa sosyalismo sa pampulitikang larangan.
EDUKASYON AT PROPAGANDA na sumasaklaw sa mga sumusunod: Pagmumulat sa kalagayan at ang rekisitos sa pagtaas ng kabuhayan ng manggagawa (standard of living) at pag-unlad ng kalagayan sa paggawa (working condition); Pagsusuri sa iba't-ibang isyu na kinakaharap ng kilusang paggawa at maralita at iba pang sektor ng lipunan kaugnay ng kagalingan at demokratikong karapatan (welfare and democratic rights); at, Paglilinaw ng kongkretong alternatiba at promosyon ng istratehikong oryentasyon para sa sosyalismo sa pamamagitan ng paglalabas ng mga babasahin at iba pang pamamaraan.
PAMPULITIKANG KAMPANYA na sumaksaklaw sa mga sumusunod: Pagluluwal, partikular ng mga isyu't kampanya kaugnay ng sosyalistang adyenda, sa pampulitikang arena na pangunahing nakapatungkol sa kalagayan ng manggagawa at ang paglahok sa iba pang sektor kaugnay ng pakikibaka sa demokrasya at katarungan panlipunan; Suporta sa krusyal na pakikibaka ng mga unyon at pederasyon kasabay ng pag-aangat nito sa antas ng pakikibaka sa gobyernong kapitalista; at, Aktibong pakikilahok at pagbubukas ng mga oportunidad para sa pagkakamit ng masaklaw ng pagkakaisa ng iba't-ibang unyon, pederasyon at iba pang mga pampulitikang sentro sa sektor paggawa.
Bukod sa mga naihanay sa itaas, ang pampulitikang sentro ay sustenidong magsasahapag at guguhit ng aksyon kaugnay ng natatanging larangan, halimbawa na ay ang partikular na tindig at pakikilahok nito sa ehersisyong elektoral at ang pag-ambag nito sa pandaigdigang kilusang manggagawa. Bilang dinamiko at progresibong sentro, ang pagpapartikular ng aksyon nito ay hango sa kolektibong pag-aaral at pagkakaisa sa kasapian nito.
Una , ang isyu ng iskemang kontraktwalisasyon at kaswalisasyon na nagkakait sa masang manggagawa, sa benepisyo ng unyunismo at paninikil sa karapatan ng manggagawa ay mapagpasyang haharapin ng pampulitikang sentro sa kagyat na pagkilos nito.
Sa pagtugon dito ay bibigyan diin ng pampulitikang sentro ang pangangailangan na imulat at organisahin ang malawak na bilang ng mga manggagawa na hindi unyunisado. Gayundin naman, ito ang ambag ng pampulitikang sentro sa pagdepensa ng mga organisadong manggagawa sa nakamit na tagumpay ng kilusang manggagawa ng ngayon ay sinisikil ang aplikasyon at saklaw nito at iba pang lantarang pagbawi ng uring kapitalista at gobyerno sa pagpapatupad ng karapatan sa pag-uunyon.
Ikalawa , ang pagkakamit ng makatarungang pasahod at pagtataas ng antas ng kabuhayan ay agresibo at sustenidong igigiit yayamang hinaharap lamang ito ng mga kapitalista at gobyerno sa panahon ng krisis sa ekonomiya. Sa ganitong konteksto, epektibong naisasantabi ang dapat sana'y walang humpay na pakikibaka upang lubusin ang karapatan ng masang manggagawa sa pakikibahagi sa yamang nilikha ng produksyon.
Kaalinsabay ng patuloy na pagmumulat at kampanya sa makatarungang pasahod ay ang paghahapag sa adyendang nagsusulong sa kagalingan at sa pananggalang (welfare and safety nets) sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan at para sa progresibong pagbubuwis sa harap naman ng mga kaltas ng gobyerno sa kapiranggot na kita ng manggagawa.
At Ikatlo , ang pagdepensa sa kapakanan at pag-unlad ng manggagawa sa pag-angkop sa pagbabago sa pabrika ay masusing haharapin ng SKM yayamang sadyang mabilis ang pagbabagong ibinubunsod ng teknolohiya sa proseso at larangan ng produksyon. Bilang resulta ng obhetibong pag-unlad na ito (na hindi simpleng suhetibong kagustuhan ng uring kapitalista) at ang paglitaw ng mga bagong porma ng kumpetisyon bunsod ng globalisasyon ay nananawagan pa ng kagyat na pagposisyon upang depensahan ang kapakanan ng mga manggagawa bunga halimbawa ng dislokasyon, intensipikasyon ng kalidad at kantidad ng trabaho, at eksposyur sa iba't-ibang mga panganib sa elemento at kagamitan sa lugar paggawa.
Sa mga nabanggit at iba pang pagkakaisahang kagyat na kahilingang isusulong ng SKM, hindi maihihiwalay ang usapin ng kakagyatan ng isang masaklaw at maka-uring pagkakaisa sa kilusang paggawa. Ito kung gayon ay mananatiling integral sa kagyat na pokus sa mga programa ng pagkilos ng pampulitikang sentro.
Ang SKM ay magsisilbing isang pampulitikang sentro ng mga manggagawa (sa lahat ng seksyon ng uring proletaryado) na siyang tagapamandila ng sosyalismo sa kilusang manggagawa at pangkalahatang demokratikong kilusan ng mamamayan. Hindi ito kahalintulad ng mga nakatayong pederasyon o iba pang pampulitikang sentro na direktang naglalambat at nakapokus sa usaping pang-unyon.
Bilang pampulitikang sentro, katangian nito ng pangunahing pagpokus at pagpapaunlad sa mga pakikibaka ng masang manggagawa sa pampulitikang aspeto nito. Ito rin ang pampulitikang sentro ng manggagawa para sa pagsusulong ng sosyalismo.
Ang SKM ay ang sentrong organisasyon ng mga indibidwal na sosyalista mula sa hanay ng masang manggagawa at magsisilbing kabalikat na pormasyon ng mga unyon at iba pang sentro sa kilusang paggawa na kapanalig sa pagtataguyod ng kagalingan ng uri at sosyalismo.
Kaiba kung gayon sa iba pang sentro at organisasyon sa sektor ng paggawa na binubuo ng mga unyon at pederasyon, ang SKM, bilang bagong pampulitikang sentro, ay bubuuin ng mga indibidwal na sosyalistang manggagawa (mula sa mga manggagawa sa pabrika hanggang sa mga reserbang pwersa sa paggawa na matatagpuan sa maralitang komunidad ng kalunsuran, at kanayunan) bilang kasaping nagtataguyod sa istrahehikong oryentasyon, saligang batas, patakaran ng pagkilos ng SKM.
Ang larangan ng pagkilos ng SKM ay sa antas ng mga rehiyon, sonang industriyal at pambansang saklaw, at hindi sa mga lokal na pabrika o kaya'y sa pang-munisipal at pang-lungsod na larangan. Kikilos ang SKM sa hanay ng manggagawa upang isagawa ang pampulitikang pagmumulat at pagmomobilisa kaugnay ng krusyal ng mga usaping pang-unyon na iaangat bilang laban sa antas ng pampulitikang pamamahala at para sa pagsusulong ng pag-iral ng sosyalistang kaayusan sa bansa.
Samakatuwid, pangunahin ang pampulitikang edukasyon, pag-oorganisa at kampanya yayamang hindi nito hangad at pumapapel sa CBA, LE, CE at iba pang mga usaping pang-unyon, na sadya namang tinutugunan ng mga unyon at mga pederasyon mismo.
Dahil sa indibidwal ang batayan ng pagsapi at kasapian at relasyon nito sa mga manggagawa, hindi nito oryentasyon ang makipag-agawan at kamaribal sa mga unyon at pederasyon na ang inisyatiba't integridad sa gawaing unyunismo ay itinataguyod at kinikilala nito.
Ang SKM ay magtataguyod ng pag-iral ng demokrasya at pagpapaunlad ng mga saligang elemento ng demokrasya sa pang-organisasyon nitong buhay. Ito ay ang mga sumusunod:
Una, ang kapulungan at desisyon ng lahat ng mga kasapi ang siyang pinakamataas ng kapangyarihan ng SKM;
Ikalawa, ang pamunuan nito ay tuwirang ihahalal ng mga kasapi at ang kapangyarihan nito ay epektibo lamang sa panahon na ang kapulungan ng kasapian ay hindi natitipon;
Ikatlo, ang lahat ng halal sa pamunuan ng SKM ay maglilingkod sangayon sa pagtanggap at basbas ng kasapian, kung kaya't ang mga ito ay maaaring alisin (recall) sa kanilang posisyon.
Ikaapat, ang desisyon ng nakararami (majority rule) ay itataguyod samantalang ginagarantiyahan ang karapatan ng minorya na madinig at makapaglahad ng kanilang paninidigan.
At Ikalima, paiiralin ang pantayna pakikibahagi (equal access) ng lahat ng kasapian sa mga pribilehiyo at benepisyo sa loob ng organisasyon.
Ang pinakamataas na organo ng kapangyarihan ng organisasyon ay ang pambansang kongreso na binubuo ng lahat ng delegado sang-ayon sa proporsyunal na representasyon ng mga saklaw na balanghay (chapters) nito.
Integral na bahagi ng organisasyon ang mga balanghay na katatangian ng mga pormasyon sa antas rehiyon at mga pormasyon sa mga sonang industriyal at mga munisipal at probinsiya ayon sa pangangailangan. Hindi bubuuin ng SKM ang mga balanghay nito sa antas pabrika, gayunman, maaaring buuin ang mga grupo para sa daluyan ng kumand at/o mga gawaing itinakda ng pamunuan ng SKM.
Ang pambansang konseho at liderato ang tatayong pinakamataas na organo na mamamahala sa programa at organisasyon sa pambansang saklaw, samantala ang mga balanghay nito ay magkakaroon din ng kani-kanilang nga halal na pamumunuan at liderato na makikibahagi sa pamamahala at pagpapaunlad ng organisasyon sa partikular nitong antas.
Ang pagtataguyod sa tunay na pagkakaisa at ang pagpapairal ng demokrasya ay sadyang ipapauna bilang saligang usapin sa buhay ng organisasyon. Ang batayan nito ay ang lehitimong pagdaloy ng aktibong partisipasyon ng kasapian at pagkakamit ng kaisahan sa pamamagitan ng pamamayani ng kasapian sa pangkalahatang kapulungan mula sa antas balangay hanggang sa pambansang antas.
Ang ganito ay ita-transporma sa mga sanggunian at instrumento na ipapalaganap sa kasapian para sa paglilinaw at pagpapalalim ng kaisahan sa loob ng organisasyon, katulad ng: Saligang Batas, Programa ng Pagkilos, Patakarang Pang-organisasyon; at Opisyal na mga Kalatas kaugnay ng kapasyahan ng kongreso at pamunuan.
Ang batayang relasyon ng SKM sa mga unyon, pederasyon at sentro sa paggawa at iba pang pampulitikang organisasyon ay mailalarawan bilang relasyon sa prinsipyo ng pakikipag-balikatan (partnership) o pakikipag-ugnayan (networking).
Sa unang nabanggit na relasyon ay maaaring abutin sa sariling desisyon ng mga unyon at/o pederasyon ang resolusyon upang direktang maging kabalikat ng SKM sa larangan ng pagsusulong ng kagalingan at mga pampulitikang pagkilos. At sa ikalawang opsyon ng relasyon, ang batayan ng kooperasyon at koordinasyon ay kaso-por-kaso, yayamang walang masinsing relasyong organisasyunal na siyang katangian ng naunang relasyon.
Sa nabanggit na dalawang opsyong ito, pangunahin ang pag-iral ng pagkakaisa sa kilusang paggawa.